MANILA, Philippines — Inihayag ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla na nakatakdang ihiwalay na sa Philippine National Police (PNP) ang Internal Affairs Service (IAS) nito upang mas epektibong maisagawa nito ang tungkulin na maimbestigahan ang mga iskalawag na mga pulis.
Sinabi ni Remulla na resulta ito ng pag-uusap niya kay Pangulong Bongbong Marcos Jr. at kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos kasama si House Speaker Martin Romualdez.
Dito napagdesisyunan na ilalagay na sa kamay ng kalihim ng DILG ang IAS kapag nailabas na ito sa istruktura ng PNP.
“Kasi kailangan embedded ang internal affairs sa lahat ng units. Pero ang Internal Affairs Office has to be a very strong unit na may sariling budget na hindi po sakop ng chief PNP,” ayon kay Remulla.
Kasunod ito ng paghahain ng DOJ ng kaso laban sa tatlong pulis na may koneksyon sa pagkawala ng isang e-sabong agent noong 2021.
“Kaya structurally, meron talaga tayong pagbabago na kinakailangan ilagay sa kapulisan through the amendment of the PNP,” paliwanag pa ni Remulla.