MANILA, Philippines — Inaprubahan na ng Kamara sa ikatlo at pinal na pagbasa ang mandatory National Citizens Service Training Program (NCSTP) para sa lahat ng mga estudyante sa Higher Education Institutions (HEIs) na naglalayong palakasin ang citizen reserve force ng bansa.
Sa botong 276-4-0, pinagtibay ang House Bill (HB) 6687 o ang An ACT Instituting a National Citizens Service Training Program in All Public and Private Tertiary Education Institution.
Sa ilalim ng HB 6687 ay magtatatag ng 2 taong NCSTP na magiging mandatory para sa lahat ng mga estudyanteng naka-enroll sa undergraduate degree programs sa mga public at private HEIs kabilang ang mga naka-enrol sa technical-vocational education and training (TVET) programs o mga kurso sa TESDA (Technical Education Service Development Authority).
Ang NCSTP Bill ay naglalayong ikintal sa kaisipan ng mga kabataang Pilipino ang mahalagang papel ng mga ito sa ‘nation-building’.
Si Speaker Martin Romualdez ang isa sa mga pangunahing may-akda ng mother bill na HB 6486 ay nagpasalamat naman sa kanilang mga kasamahang mambabatas sa mabilis na deliberasyon at pag-aapruba sa panukala na kabilang sa sinertipikahang ‘urgent’ ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.