MANILA, Philippines — Nanawagan si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na muling paigtingin ang kampanya kontra iligal na droga at ipagpatuloy ang nasimulan ng Duterte administration.
Ayon kay dela Rosa na dating hepe ng pulisya at nanguna sa drug war ng nakaraang administrasyon, “back with the vengeance” ang mga sindikato ng iligal na droga at mga ninja cops o mga pulis na sangkot sa illegal drug trade.
May mga sindikato umano na nabuwag at mga kriminal na naipakulong na subalit sa kasamaang palad ay matitigas ang ulo at sinusubukan na makabalik sa dating gawi.
Inihalimbawa ng senador ang dalawang opisyal ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na naaresto sa Quezon city noong nakaraang linggo kung saan nakuhaan sila ng 1 kilo ng shabu.
Gayundin ang kaso ni Master Sergeant Rodolfo Mayo Jr., na miyembro ng PNP Drug Enforcement Group na naaresto sa isang drug bust operation, nahulihan ng 2 kilo ng shabu at naging daan sa pagkakasabat ng isang tonelada ng shabu na nagkakahalaga ng P6.7 bilyon.
Ayon kay Dela Rosa, isa ang nasabing pulis na ninja cop na inilipat sa Mindanao kaya nagtataka siya kung bakit nakabalik sa Metro Manila at ginawa pang Intelligence officer sa NCR at lumaki pa ang papel sa drug trade.
Kasabay nito, nanawagan naman ang senador na protektahan ang mga tauhan na nag-ooperate laban sa mga sindikato bunsod naman ng pagpatay sa dalawang pulis sa Pampanga na inambush na kagagawan ng balik sigla na Flores drug syndicate.
Wala umanong panahon na maging kampante ang mga pulis dahil naghihintay lang ng tiyempo ang mga kalaban at naghihintay lang na malingat ang mga otoridad.