LPA silangan ng Surigao del Sur posible maging bagyo sa Sabado, tatawaging 'Rosal'

Naobserbahan ang mata ng sama ng panahon bandang 415 kilometro silangan hilagangsilangan ng Hinatuan, Surigao del Sur kaninang 10 a.m., ayon sa PAGASA, Biyernes.
earth.nullschool.net

MANILA, Philippines — Maaaring maging isang ganap na tropical depression sa loob ng Philippine area of responsibility ang isang low pressure area anumang oras sa Sabado o Linggo, bagay na nakikitang magdadala ng masungit na panahon.

Naobserbahan ang mata ng sama ng panahon bandang 415 kilometro silangan hilagangsilangan ng Hinatuan, Surigao del Sur kaninang 10 a.m., ayon sa PAGASA, Biyernes.

"Base na rin sa ating analysis, posible po na maging bagyo ito hanggang bukas, at papangalanan natin itong 'Rosal,' pang-18 bagyo kung saka-sakali ngayong 2022," sabi ni PAGASA weather specialist Benison Estareja.

Sa susunod na 24 oras, ang shear line at trough ng LPA ay tinatayang magdadala ng mahihina hanggang katamtaman na may ,minsanang malalakas na ulan sa:

  • Cagayan
  • Isabela
  • Aurora
  • Quezon
  • MIMAROPA
  • Bicol Region
  • Visayas
  • CARAGA 
  • Davao Region

Sa ilalim ng mga kondisyong ito, maaaring magkaroon ng mga pagbaha at pagguho ng lupa dulot ng mga pag-ulan, lalo na sa mga lugar kung saan ito madalas mangyari batay sa hazard maps.

"The public and disaster risk reduction and management offices concerned are advised to take all necessary measures to protect life and property," dagdag pa ng state weather bureau.

Sa Lunes, tinatayang nasa silangan na ng Cagayan Valley ang sama ng panahon. Matapos nito, posible itong lumihis papalayo ng Pilipinas o pumihit sa silangan ng Batanes.

Una nang sinabi ng mga dalubhasa na madalas mag-landfall o tumama sa lupa ang mga bagyo tuwing Disyembre, bagay na posible maging typhoon o supertyphoon.

Show comments