MANILA, Philippines — May pasabog na mungkahi si Rep. Jurdin Jesus Romualdo (Camiguin) para hindi na pumutok ang mga bulkan sa Pilipinas — pero binara lang siya ng Department of Science and Technology dahil baka lalo lang daw magka-eruption sa gusto niya mangyari.
Sa confirmation hearing ng Commission on Appointments kay Science and Technology Secretary Renato Solidum Jr., Miyerkules, itinanong ni Romualdo kung pwedeng butasin ang mga bulkan para malayang makalabas ang lava at wala nang mararahas na pagsabog.
Related Stories
"Gusto ko lang tanungin. 'Yung material na ginagamit ng rockets that can withold heat in going to the moon or [space] exploration, 'yung material na 'yon, [pwede] ba gawin natin 'yun sa mga bulkan na... bubutasan 'yung bulkan, lalabas 'yung lava, para hindi na puputok 'yung bulkan?" tanong ng mambabatas kahapon.
"Meron po kayang aral diyan? I was so curious... Imagine, hindi natutunaw 'yun eh [materyal sa rocket], tapos babalik [sa earth]... Eh kung... subukan natin 'yan sa bulkan, bubutasan, lalabas 'yung lava, para hindi na puputok 'yung bulkan?"
Agad na sinupalpal ni Solidum si Romualdo habang idinidiing maaaring lumikha pa nang mas malaking trahedya ang kanyang suwestyon kaysa makatulong sa mga tao.
Matatandaang nagtrabaho si Solidum sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology nang 14 taon bago italaga bilang kalihim ng DOST.
"Even if one would tamper with the volcano, it may trigger eruption, not stop it because the energy below the volcano, the magma, is much more enormous than whatever trigger we want to do," sabi ni Solidum.
"We cannot control it. In fact, it might actually cause the volcano to explode as we lessen the pressure."
"If we lessen the pressure of the volcano at the top, it might trigger the sudden rise of magma and it will explode. That’s why nobody has tried to do that."
Ilan sa mga bulkang madalas i-monitor ng Phivolcs para sa mga pagsabog ay ang Bulusan, Hibok-Hibok, Kanlaon, Mayon, Taal at Pinatubo.
Sa tuwing tumataas ang volcanic activity ng mga nabanggit ay inaangat ang alert levels ng mga nabanggit upang maiwasan ang pinsala sa mga ari-arian at pagkamatay ng tao.
Sinasaklaw ng "Ring of Fire" ang Pilipinas, isang rehiyon sa paligid ng Pacific Ocean kung saan maraming pagsabog ng bulkan at lindol na nangyayari. — James Relativo