MANILA, Philippines — Tiwala si Senador Ronald “Bato” dela Rosa na aaprubahan ng Kongreso ang panukalang mandatory Reserved Officer Training Corp (ROTC) sa kolehiyo sa unang tatlong buwan ng 2023.
Ayon kay Dela Rosa, pursigido siya at maging ang mga kasamahang Senador na gawing mandatory ang ROTC, bukod pa dito sertipikado rin umano ni Pangulong Bongbong Marcos ang panukala bilang urgent measure na mensahe sa kongreso na gawin itong prayoridad.
Nilinaw naman ng Senador na hindi kakayanin na maihabol ang pagsasabatas nito ngayong taon dahil mag a-adjourn na ang Kongreso sa Disyembre 17.
Sa ilalim ng panukala ay oobligahin ang lahat ng nasa kolehiyo sa first at second year college students na sumailalim sa military training at civic duty tulad ng paghahanda at pagtugon tuwing may kalamidad at sakuna.
Paliwanag pa ni Dela Rosa na hindi exempted ang mga babae dahil walang pinipili ang mga bala at dahil ipinapaglaban din ang gender equality ngayon.
Siniguro naman niya na lalagyan ng mekanismo ang panukala para maprotektahan ang mga babae sa pang-aabuso.