Pinas at US nag-uusap na sa ‘nuclear power’

This photo taken on April 5, 2022 shows a security guard walking in front of the main gate of the Bataan Nuclear Power Plant in the town of Morong in Bataan province, north of Manila.
TED ALJIBE / AFP

MANILA, Philippines — Nag-umpisa na ang Pilipinas at Estados Unidos sa pag-uusap ukol sa posibleng kasunduan sa pagtatatag ng plantang nukleyar ngunit iginiit ng Philippine Nuclear Research Institute (PNRI) na bukas pa sila sa pakikipag-usap sa ibang bansa.

Matatandaan na inihayag ni US Vice Pres. Kamala Harris sa kaniyang pagbisita sa Pilipinas nitong nakaraang linggo ang “123 agreement” sa pagitan ng Manila at Washington, na magbibigay ng basehang legal sa pag-export ng American nuclear equipment sa Pilipinas.

“It does not lock us into the American negotiation policy. Bukas pa rin tayo sa ibang bansa,” pagtitiyak naman Carlo Arcilla, executive director ng PNRI.

Kabilang sa nagpasabi na tutulong sa Pilipinas sa pangangailangang nuclear ang South Korea na mayron umanong planta na eksaktong modelo ng nasa bansa.

“Puwede raw nilang patakbuhin ‘yung planta within 5 years. ‘Yan po ang pinakamabilis na paraan para magkaroon ng nuclear power sa bansa kahit na 620 megawatts,” ayon pa kay Arcilla.

Ilan pa sa tinitingnan na opsyon ng gobyerno ang France, China, at Japan na matagal nang gumagamit ng nukleyar na enerhiya.

Ngunit ang South Korea umano ang pinaka­aktibo at nag-alok na buhayin ang Bataan Nuclear Power Plant. 

Sa kabila nito, si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. pa rin umano ang magdedesisyon ukol dito.

Show comments