Gulo sa Albay, inakyat sa SC

MANILA, Philippines — Dumulog na sa Supreme Court si Albay Governor Noel Rosal na humihiling na pigilan ang Commission on Elections (Comelec) sa pagpapatupad ng resolusyon na nagdidiskuwalipika sa kaniya sa kaniyang pagtakbo sa nakalipas na May 2022 elections.

Kasama ng isinumite niyang Petition for Certiorary ang hiling na maglabas ang mataas na korte ng Temporary Restraining Order (TRO) at Writ of Preliminary Injunction laban sa resolusyon ng Comelec.

Sa kaniyang petisyon, sinabi ni Rosal na pinagkaitan siya ng Comelec ng “constitutional right of due process” nang hindi pagbigyan nito ang kanyang mosyon na mailipat ang araw ng hearing ng preliminary conference.

Kaugnay ito ng kaso na inihain sa kaniya ng isang Joseph Armogila dahil sa paglabag umano sa 45-day ban sa paglalabas ng pondo ng pamahalaan para sa “social welfare projects” nang aprubahan ang cash assistance para sa mga tricycle driver noong Abril.

Sinabi rin ni Rosal na ang resolusyon ng Comelec ay “batay lamang sa alegasyon at hindi sa ebidensiya”. Nabigo umano si Armogila na magprisinta ng direktang ebidensya na magpapatunay na naglabas siya ng pondo sa panahong ipinagbabawal ng Omnibus Election Code sa panahon ng halalan.

Hiniling din ni Rosal sa Supreme Court na tingnan kung nagkaroon ng “grave abuse of discretion” sa bahagi ng Comelec nang ilabas nito ang naturang resolusyon.

Show comments