MANILA, Philippines — Maraming napagkasunduan sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Chinese President Xi Jinping patungkol sa kooperasyon sa sidelines ng Asia Pacific Economic Cooperation Summit — pero kung napag-usapan ang agawan ng teritoryo sa South China Sea, hindi pa malinaw.
Ito'y kahit sinabi ni Marcos Jr. na gagawin niyang "top agenda" sa naturang bilateral meeting nila ng Beijing sa Bangkok, Thailand ang sigalot sa West Philippine Sea, bagay na "imposible" raw na 'di mapag-usapan. Wala kasing banggit ng West Philippine Sea sa dalawang pahayag na inilabas ng Palasyo ukol sa naganap na meeting ng dalawang lider.
Related Stories
"It’s the first time that I’ve met President Xi Jinping and I was very happy that we were able to have this opportunity here in the APEC Meeting in Bangkok to have a bilateral meeting," wika ni Marcos sa isang pahayag, Huwebes.
"The bilateral meetings are really just a kind of getting-to-know-you and that was the same with our meeting."
Taong 2016 pa lang ay napalunan ng Pilipinas ang artibtration case nito laban sa Tsina pagdating sa jurisdiction sa katubigan at ilang teritoryo sa loob ng South China Sea. Ang West Philippine Sea, na nasa loob ng naturang karagatan, ay idineklarang nasa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas.
Wika ni Bongbong, napag-usapan nila ang ilang regional issues. Pero "karamihan" daw sa natalakay ay patungkol sa mga plano sa nalalapit niyang state visit sa Tsina sa unang linggo ng Enero 2022.
Aniya, doon na rqw pag-uusapan ang detalye ng mga bagay na kailangang upuan ng Maynila at Beijing. Tinawag pa niyang "very pleasant exchange" ang katatapos lang na pagkikita.
Kooperasyon, pagkakaibigan
Ilan sa mga napag-usapan nina Xi at Marcos Jr. ay ang pagpapalakas at pagpapalawak ng relasyon ng Tsina at Pilipinas, lalo na sa larangan ng:
- agrikultura
- enerhiya
- imprastruktura
- people-to-people connections
Palalalimin din daw ang kooperasyon patungkol sa Belt and Road Initiative ng Beijing at "Build, Build, Build" ng Pilipinas, pagtitiyak ng tagumpay ng Davao-Samal Bridge project, atbp.
Napagkasunduan din daw ng dalawa na magkaroon pa ng karagdagang bilateral talks para sa mas komprehensibong pag-uusap sa mga isyu.
Saad naman ng Ministry of Foreign Affairs ng Tsina: "The two sides need to create highlights in cooperation and enhance the quality of cooperation to the benefit of their peoples. China will work with the Philippines to carry forward their friendship and cooperation, commit to national development and rejuvenation, and write a new chapter in China-Philippines friendship."
Nabanggit din ng China na ukol naman sa mga isyu sa South China Sea, ang dalawang panig daw ay dapat mag-stick sa "friendly consultation." Dagdag nila: "As two developing countries in Asia, China and the Philippines need to keep strategic independence, uphold peace, openness and inclusiveness, and stay the course of regional cooperation."
"They should work together to reject unilateralism and acts of bullying, defend fairness and justice, and safeguard peace and stability in the region."
Wika ni House Speaker Martin Romualdez, signipikante ang pagkikita ng dalawang world leaders lalo na't malaking trading partner ang Tsina at isang mayor na mapagkukunan ng pamumuhunan.
Matatandaang sinabi ni Marcos sa ika-40 at ika-41 na Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit sa Cambodia na nagkakaisa ang mga member states na suportahan ang One China Policy habang ineengganyo ang Beijing at Taipei na resolbahin ang alitan nila nang mapayapa.
Ang One-China Policy ay ang posisyon ng People's Republic of China (Beijing) na iisa lang ang soviereign state na dapat may pangalang Tsina. Ang Taiwan ay tinatawag ding Republic of China.