P5 milyong multa sa ospital na lalabag sa anti-deposit law

MANILA, Philippines — Papatawan ng P5 milyong multa ang mga medical facilities na lalabag sa Anti-Hospital Deposit Law o tatangging tanggapin at gamutin ang pasyente na walang inisyal na bayad o deposito.

Ito’y sakaling maisabatas ang House Bill (HB) 3046 o ang Anti-Hospital Deposit Law na inihain ni 1st District Davao City Rep. Paolo Duterte at tatlong pang mga mambabatas sa Kamara.

Sinabi ni Duterte na inihain nila ang nasabing panukala dahil sa masaklap na karanasan ng ilang mga pasyenteng hindi tinanggap sa ospital at mga klinika dahil walang inisyal na deposito bago ang mga ito gamutin kahit emergency at seryoso ang kaso.

Sa kasalukuyan, ayon kay Duterte ay P1 milyon lang ang multa sa mga pagamutang tumatangging gamutin ang kanilang mga pasyenteng walang pera kaya nais niya itong itaas sa P5-M upang bigyan ang mga ito ng leksyon.

Magugunita na sa ilalim ng Republic Act 10932 na nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong 2017 na inimplementa ng sumunod na taon ang mga hospital employees at medical practitioners na lalabag sa nasabing batas ay magmumulta ng P100,000-P300,000 at makukulong ng mula 6 buwan hanggang 2 taon.

Tatanggalan din ng lisensya ang mga medical facility para makapag-operate na isasagawa ng Department of Health kapag 3 beses lumabag sa Anti-Hospital Deposit Law.

 

 

 

Show comments