Patay kay 'Paeng' 121 katao na — NDRRMC

An aerial view shows flood-inundated houses at Capitol Hills in Alibagu, Ilagan city, Isabela province on October 31, 2022, after Tropical Storm Nalgae hit the region. The death toll from a storm that battered the Philippines has jumped to 98, the national disaster agency said October 31, with little hope of finding survivors in the worst-hit areas.
AFP/STR

MANILA, Philippines (Updated 10:04 a.m.) — Umabot na sa 121 ang naitatalang yumao dulot ng nagdaang bagyong "Paeng," ito habang sumirit naman sa P896 milyong halaga ng pinsala ang naidulot ng sama ng panahon sa imprastruktura.

Ito ang ibinahagi ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), Miyerkules, patungkol sa iniwan ng bagyong nakaapekto sa lahat ng 17 rehiyon ng Pilipinas.

Sumampa na sa 3,180,132 katao ang sinasabing nasalanta. Kabilang diyan ang sumusunod:

  • patay (121)
  • sugatan (103)
  • nawawala (36)
  • nasa loob ng evacuation centers (176,337)
  • lumikas na nasa labas ng evacuation centers (692,941)

Marami ang na-stranded na pasahero sa kasagsagan ng bagyo, maliban pa sa mga namatay dulot ng kabila't kanang baha at pagguho ng lupa.

Bilyun-bilyong pinsala

"The estimated cost of damage to infrastructure amounting to Php 896,857,401.73 was reported in Region 1, Region 2, MIMAROPA, Region 5, Region 6, Region 7, Region 10, Region 11, Region 12, CAR," patuloy pa ng NDRRMC kanina.

Narito ang breakdown ng halaga ng pinsala:

  • Ilocos Region (P60,900,000)
  • Cagayan Valley (P71,228,327.5)
  • MIMAROPA (P20,000)
  • Bicol Region (P375,179,500)
  • Western Visayas (P661,675)
  • Central Visayas (P277,000,000)
  • Northern Mindanao (P110,050,000)
  • Cordillera Administrative Region (P1,817,899.23)

Umabot naman sa 9,190 ang partially damaged na mga kabahan sa ngayon habang 2,104 naman ang wasak na wasak, dahilan para umabot sa 11,294 lahat ng nasirang tirahan.

Nasa P1.27 bilyong halaga naman na ng napinsala sa sektor ng agrikultura, bagay na nakaapekto na sa 54,139 magsasaka at mangingisdang sumasaklaw sa mahigit 56,900 ektarya.

"A total of 164 cities/municipalities were declared under the State of Calamity," sabi pa ng NDRRMC.

Nakapamahagi naman na ng nasa P71 milyong halaga ng tulong sa ngayon sa porma ng pera, family food packs, hygiene kits, atbp.

Ang bagyong "Paeng" ang ika-16 bagyong pumasok sa Philippine area of responsibility ngayon 2022. Nasundan ito agad ng bagyong "Queenie" ngunit agad-agad naman itong nalusaw at naging remnant low na lamang.

Show comments