Labi ng middleman, isinalang na sa re-autopsy
MANILA, Philippines — Isinailalim na sa “re-autopsy” ng kilalang forensic pathologist na si Dr. Raquel Fortun ang bangkay ng pumanaw na si Jun Villamor, ang “middleman” sa “hit order” sa broadcaster na si Percy Lapid.
Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, natapos na ni Fortun ang “external examination” nitong Martes at inaasahan na matatapos naman ang “internal examination” nitong Miyerkules.
Nag-uulat umano si Fortun sa kanila ng mga “developments” at inaasahan niya na magiging maayos ang kahihinatnan ng “re-autopsy”. Sinabi pa niya na matagal na niyang kakilala si Fortun.
Kung may mga lalabas na pagdududa sa pagkamatay ni Villamor, sinabi ni Remulla na nais niyang lumabas lahat ito.
Pagkatapos ng awtopsiya, ipag-uutos ni Remulla na dalhin ang labi sa Leyte na may kasamang escort mula sa pamahalaan.
Maaari rin na ipakita ang bangkay sa kapatid niya na si “Marissa” na babantayan ng mga tauhan ng “Witness Protection Program” kung saan isinailalim siya.
Idinagdag pa ni Remulla na inalok na rin niya si Roy Mabasa, kapatid ni Percy Lapid o Percival Mabasa, ng proteksyon para sa buo nilang pamilya makaraang makatanggap ng mga death threats.
- Latest