MANILA, Philippines — Aabot sa 1 milyong bata ang hindi pa nakakakuha ng kahit ni isang dose ng anumang "childhood vaccine" sa Pilipinas, dahilan para mapasama ang bansa sa may pinakamaraming bilang ng zero dose children sa buong mundo.
Sa isang pahayag kamakailan, isiniwalat ng (United Nations International Children's Emergency Fund) Philippines na top 5 contributor ang Pilipinas sa 18 milyong zero-dose children sa buong mundo nitong 2021. Bukod pa ito sa pagiging top 7 contributor sa pinakamaraming bilang ng batang walang proteksyon sa tigdas.
"Falling child immunization rates and the increasing number of children at risk of measles, polio and other vaccine preventable diseases must be treated as a public health emergency that needs urgent action," ani UNICEF Philippines Representative Oyunsaikhan Dendevnorov kasabay ng World Polio Day.
"Lessons learned from COVID-19 highlight the need to strengthen primary health care through integrated health and nutrition services for a strong and resilient health system in the long term."
Kabilang sa mga routine immunization ng mga bata para sa life-threatening diseases ang:
- polio
- tigdas (measles)
- tuberculosis
Ngayong Oktubre lang nang sabihin ni Department of Health officer-in-charge Maria Rosario Vergeire na nasa 62.9% lang ang coverage ng mga "fully immunized children" sa Pilipinas, ito kahit na 95% ang target ng gobyerno ng Pilipinas.
Batay sa 2022 risk assessment ng World Health Organization, lahat ng rehiyon sa Pilipinas ay "high-risk" para sa isang measles outbreak.
Dahil diyan, ibinahagi na noon ni Vergeire na posibleng mangyari ang naturang outbreak sa Pilipinas sa 2023 kung magpapatuloy na mababa ang bilang ng mga batang nagpapabakuna.
Problema sa bakuna
Hunyo 2021 lang nang tapusin ng Pilipinas ang polio outbreak nito matapos mabakunahan ang nasa 11 milyong bata. Gayunpaman, 1.5 milyon pang iba ang hindi nakatatanggap ng kanilang polio vaccine.
Sa 81 probinsya ng bansa, 67 ang sinasabing high-risk sa ngayon para sa polio infections habang 71 sa 96 naman ito para sa mga lungsod, dagdag ng UNICEF.
Ang polio ay labis na nakahahawa at maaaring mauwi sa pagkabaldado o kamatayan. Itinuturo pa rin ng mga dalubhasa ang kumpleto at napapanahong pagpapabakuna bilang pinakaepektibong paraan upang malabanan ang naturang karamdaman.
Ang naturang problema ay nangyayari ngayong gumagawa ng hakbang ang gobyerno sa pagpaparami ng nagpapaturok ng bakuna laban sa nakamamatay na COVID-19.
Nananawagan ngayon ang UNICEF sa gobyernong unahin ang pamumuhunan at maparami ang human resources upang maabot ang zero dose children gamit ang malinaw na mga istratehiya at target. Sa kabila nito, ikinatutuwa nila ang pagsusumikap ng DOH na ipagsama ang COVID-19 at routine immunization services.
Una nang sinabi ni Vergeire na hindi lang vaccine hesitancy ng mga magulang ang problema sa pagbaba ng mga nagpapabakuna ngunit pati na ang nagdaang COVID-19 lockdown restrictions, dahilan para hindi makalabas ang mga nabanggit upang paturukan ang mga bata. — James Relativo