MANILA, Philippines — Posibleng mailagay sa "witness protection program" ang sumukong suspek sa pagpatay sa broadcaster na si Percy Lapid — ito kung ikakanta ni Joel Escorial ang utak sa kanilang krimen, ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla.
Martes lang kasi nang iharap ng Philippine National Police si Escorial sa media matapos niyang sumuko, habang itinuturo ang tatlo pang kasabwat. Pare-pareho silang humaharap ngayon sa reklamong murder.
Related Stories
"That's very possible [na ilagay si Escorial sa witness protection program]. Kung talagang 'yun lang ang paraan para matapos natin ang kaso, considered po 'yan," ani Remula sa panayam ng Dobol B TV, Huwebes.
"'Yan po'y napag-uusapan at 'yan po ay talaga namang dadaan din sa scrutiny ng court."
Kasama sa mga itinuro ni Escorial na parte ng krimen sina "Orly Orlando," Edmon Adao Dimaculangan at Israel Adao Dimaculangan. Sa kabila nito, wala pang itinuturong mastermind, maliban sa sinabing nanggaling sa loob ng New Bilibid Prison ang utos para itumba si Lapid (Percival Mabasa sa totoong buhay).
Ika-3 ng Oktubre nang pagbabarilin si Mabasa, isang komentarista ng DWBL, habang papunta sa BF Resort Las Piñas kung saan siya dapat mag-o-online broadcast.
Sa kabila ng pagdududa ng ilan kung si Escorial ba talaga ang gunman na bumaril kay Lapid, na kilalang kritiko nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at dating Pangulong Rodrigo Duterte, naniniwala ang kapatid ng biktima na si Roy Mabasa na ang sumukong gunman talaga ang salarin. Ito'y kahit nagduda rin daw siya noong una.
Sabi pa ni Remulla, itinuturing ngayong principal suspek sa pagpatay si Escorial. Una nang sinabi ng huli na sumuko siya dahil sa takot para sa kanyang buhay matapos ilabas ang kanyang larawan.
"Pinatitignan ko po ngayon [ang sinabi niyang galing Bilibid ang utos], at actually, dalawang anggulo ho yan. NBI (National Bureau of Investigation) will conduct its own independent investigation," patuloy pa ni Remulla.
"Nag-iimbestiga na ho sila. Ang isa pang angulo kasi, ang sinabi sa akin ni secretary Abalos nung isang araw ay BJMP (Bureau of Jail Management and Penology) raw ang nakausap nung gunman."
Umani ng matinding batikos ang pagpatay kay Lapid, na siyang ikalawang media man na napaslang sa ilalim ng panunungkulan ni Marcos Jr.
Una nang sinabi ng National Union of Journalists of the Philippines na ang pagpatay kay Lapid ay patunay na ang peryodismo sa Pilipinas ay nananatiling peligrosong trabaho sa bansa.