Nasalanta ng bagyong 'Neneng' umabot sa 103,600; infra damage P81.55-M na

Makikitang gumuho ang kalsadang ito kasabay ng pag-agos ng baha sa bayan ng Adams, Ilocos Norte
Mula sa Facebook page ni Adrian Domingo Dupagen

MANILA, Philippines — Nag-iwan na ng lagpas daanlibong survivors ang nagdaang Typhoon Neneng habang dalawang katao naman ang naiulat na "injured," ayon sa huling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), Martes.

Kabilang sa 103,662 apektadong populasyon ang sumusunod mula sa Ilocos Region, Cagayan Valley at Cordillera Administrative Region:

  • sugatan (2 bineberipika)
  • lumikas (4,459)
  • lumikas sa evacuation centers (1,865)
  • lumikas pero wala sa eacuation centers (2,594)

Sa kabutihang palad, wala pa namang naitatalang nawawala o namatay dulot ng bagyo sa ngayon.

Linggo lang nang makalabas ng Philippine area of responsibility ang naturang typhoon, na siyang nagdulot ng mga pagbaha at pagguho ng lupa lalo na sa Region II.

Nagdeklara naman na ng state of calamity ang ilang lugar gaya ng Sta. Ana, Cagayan dahil sa pinsalang idinulot ng naturang bagyo sa lugar.

"A total of 38 damaged houses are reported in Region 1, Region 2, CAR," dagdag pa ng NDRRMC sa kanilang situation report kanina.

Aabot sa 36 sa mga nabanggit ang bahagyang napinsala habang dalawa naman sa mga nabanggit na kabahayan ang wasak na wasak.

Milyun-milyon nasira sa agrikultura, infra

Milyun-milyon na rin ang napinsala ng bagyo sa sektor ng agrikultura at imprastruktura sa ngayon, ayon sa konseho.

Umabot na sa P7.68 milyon ang halaga ng production loss o cost of damage ng bagyong "Neneng," bagay na pumerwisyo na sa 1,124 magsasaka at mangingisda na sumasakop sa 503.57 ektaryang napinsala.

"The estimated cost of damage to infrastructure amounting to P81,555,000 was reported in Region 1, Region 2, CAR," sabi pa ng NDRRMC.

Sa kabila ng lahat ng ito, umabot naman na sa P2.69 milyong halaga ng tulong na ang naiaabot sa Ilocos, Cagayan Valley at Cordillera sa porma ng hygiene kits, family food packs, sleepings kits, atbp.

Nakapagtalaga naman na ng 16 search, rescue and retrieval teams mula sa kasundaluhan, Bureau of Fire Protection at Philippine Coast Guard, maliban pa sa 906 SRR teams na naka-standby.

Papalo naman na sa ngayon sa 1,301 ang kanilang nasagip sa Ilocos at Cagayan Valley.

Show comments