MANILA, Philippines — Hinimok ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III ang mga negosyong pag-aari ng estado o government owned and controlled corporations (GOCCs) na gawin ang kanilang bahagi sa pagpapagaan ng pasanin sa lumolobong utang ng gobyerno, na ang ‘servicing cost’ pa lamang ay katumbas na ng 30 porsyento ng P5.268 trilyon ng panukalang badyet para sa taong 2023.
Sinabi ng senador na dahil dito, lumalabas na ang bawat Pilipino sa ngayon ay may utang nang P119,458.
“Ang bawat isa sa 109 milyong Pilipino ay may utang na ngayong P119,458,” sabi ni Pimentel sa pagdidiin na ang malaking halaga ng pagbabayad ng utang ay naglilihis ng mga mahalagang pondo na dapat sana ay ginamit upang dagdagan ang mga gastusin sa lipunan at kalusugan.
Batay aniya sa Department of Budget and Management, ang natitirang utang ng gobyerno ay umabot na sa P13.021 trilyon sa pagtatapos ng Agosto at maaaring umabot sa P14.63 trilyon sa pagtatapos ng 2023.
Para sa 2023, ang gobyerno ay naglaan ng P1.630 trilyon para sa pagbabayad ng utang sa 2023. Kung saan, P1.019 trilyon ang mapupunta sa principal amortization at P582.32 bilyon sa pagbabayad ng interes.
Sa kabuuang pagbabayad ng utang para sa 2023 ay nagkakahalaga ng humigit-kumulang 30 porsiyento ng kabuuang badyet para sa 2023. Ito ay 18.65 porsiyento na mas mataas kaysa sa gastos sa serbisyo sa utang ngayong taon na nagkakahalaga ng P1.326 trilyon.
Ikinalungkot niya kung paanong ang malaking bahagi ng mga paghiram na ito ay gagamitin din sa pagbabayad ng mga umiiral nang utang.