MANILA, Philippines — Matapos ang mga pagdinig at imbestigasyon, naglabas ng desisyon ang Philippine Tariff Commission na huwag nang palawigin pa ang pagpataw ng dagdag na taripa sa mga imported na semento.
Matatandaang naglabas ng Administrative Order (DAO) No. 19-13 ang Department of Trade Industry noong 2019 na nagpapataw ng dagdag na taripa sa mga imported na semento sa loob ng tatlong taon. Ito ay upang pansamantalang maprotektahan ang lokal na industriya ng semento habang nagsasagawa ang mga ito ng hakbang upang mapabuti ang hanay nito sa gitna ng trade liberalization.
Habang papalapit na ang pagtatapos ng Administrative Order ngayong Oktubre ay umapela ang Cement Manufacturers Association of the Philippines (CeMAP) na palawigin pa ito.
Ngunit ayon sa report ng Tariff Commission, hindi naman nalugi ang local cement manufacturers maski pa noong kasagsagan ng pandemya. Sinabi pa ng komisyon na nakapagtala ng mataas na benta at tubo ang mga naturang kompanya dahil na rin sa nasabing kautusan.
Dagdag pa ng komisyon na umabot sa P13 bilyon ang kita ng local cement manufacturers nitong mga nakaraang taon at nananatiling matatag ang industriya ng semento sa bansa. Anito’y ito ay dahil na rin sa mga hakbang na isinagawa ng mga manufacturers habang ipanatutupad pa ang DAO No. 19-13.
Dahil dito, ipinabatid ng komisyon sa CeMAP na hindi na kinakailangang palawigin pa ang Administrative Order gayung napakinabangan na ito nang husto ng lokal na industriya ng semento.
Nauna nang nagbabala ang mga consumer group sa maaaring maging epekto ng pagpataw ng dagdag na taripa laban sa mga imported na semento.
Ayon sa Laban Konsyumer, isa sa mga grupong tumutol sa DAO No. 19-13, maaaring tumaas ang pres-yo ng semento sa merkado at makaapekto ito sa pagbili ng mga konsyumer.
Sabi pa ng grupo na ayon na rin sa price monitoring reports ng DTI, tumaas hanggang P20 per 40-kg ng bag ng semento mula nang naipatupad ang DAO No. 19-13. Anito’y hindi hamak na mas mataas ito sa dagdag na taripa na P8.40 kada bag ng imported na semento.