MANILA, Philippines — Patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga binabawian ng buhay matapos bayuhin ng Super Typhoon Karding ang Luzon, bagay na posibleng umabot na raw ngayon sa 11 katao.
Ito ang ibinahagi ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, Huwebes, matapos mag-iwan ng bagyo ng sari-saring patay sa Central Luzon at CALABARZON:
- Bulacan (6)
- Zambales (1)
- Burdeos, Quezon (1)
- *Zambales (1)
- *Antipolo, Rizal (1)
- *Tanay, Rizal (1)
Ang huling tatlo na may asterisk ay "for verification" pa, paliwanag ng konseho.
Halos lahat ng mga namatay ay dahil sa pagkalunod, maliban sa isang bineberipika pa sa Zambales na dahil naman sa pagkakaaksidente sa motorsiklo habang bumabagyo.
Samantala, pare-pareho namang bineberipika pa ang sumusunod na iniulat na nawawala:
- Antipolo, Rizal (1)
- Mercedes, Camarines Norte (5)
Ang mga nawawala sa Bikol ay pawang mga mangingisda.
Ang mga nabanggit ay bahagi lang ng daan-daang libong naapektuhan na ng nagdaang sama ng panahon, na siyang pinakamalakas na tumama sa Pilipinas ngayong 2022.
- apektadong populasyon (640,963)
- lumikas na nasa evacuation centers (25,177)
- lumikas na nasa labas ng evacuation centers (15,286)
Ilan sa mga sinasabing naapektuhan ng husto ng bagyong "Karding" ang Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region at Cordillera Administrative Region.
Pinasala milyun-milyon
Tumuntong naman na sa P152.2 milyong halaga ng pinsala sa agrikultura naman na ang idinulot ng naturang bagyo, bagay na naitala sa Regions 1, 5, CALABARZON at CAR.
Dahil diyan, apektado na ang nasa 5,439 magsasaka at mangingisda na siyang trumatrabaho sa nasa 8,081 ektarya.
Ineestima naman sa ngayon na umabot na sa P23.44 milyong cost of damage ang napala sa mga imprastruktura sa Ilokos, MIMAROPA, Bikol at Kordilyera.
Ang mga nabanggit ay bukod pa sa 18,110 bahay na bahagyang napinsala. Samantala, 2,518 tirahan naman ang wasak na wasak.
Bilang tugon, nakapamahagi naman na ng P14.65 halaga ng ayuda sa porma ng family food packs, pagkain, financial assistance, atbp.
Bagama't malayo na sa Philippine area of responsibility ang bagyo, aabot na sa 35 na lungsod at minisipalidad ang kasalukuyang nakasailalim sa state of calamity.