MANILA, Philippines — Nasa 10 katao na ang patay habang walo ang iniulat na nawawala sa pananalasa ng bagyong Karding nitong Linggo ng gabi.
Nabatid kay National Disaster Risk Reduction and Management Council deputy spokesperson Raffy Alejandro na ang nadagdag na dalawa sa listahan ng mga nasawi ay mula sa Baliwag, Bulacan at Tanay, Rizal.
Nauna nang napaulat ang pagkasawi ng limang rescuers na nalunod sa San Miguel, Bulacan; dalawa ring nasawi mula sa Zambales at isang nasawi sa landslide sa Burdeos, Quezon.
Tumaas din ang bilang ng nawawala na ngayon ay nasa walo na matapos madagdag ang dalawang indibiduwal mula Antipolo City, isa mula sa Patnanungan, Quezon at dalawa pang mangingisda mula Camarines Norte.