MANILA, Philippines — Ipinasisilip ni Sen. Sherwin Gatchalian sa Senado ang pagpapahiram at pagbebenta ng mobile wallet o e-wallet accounts.
Sa Senate Resolution 217 ni Gatchalian, layon nito na maprotektahan ang mga consumers laban sa mga cyber criminals na sinasamantala ang pagtaas ng bilang ng mga gumagamit ng virtual wallets lalo ngayong pandemya.
Noong 2017, nasa 9 million lang ang mga registered e-wallets at pagsapit ng 2020 na kasagsagan ng pandemya ay nagtriple pa ang bilang ng mga gumagamit ng e-wallets. Inaasahan ding sa pagsapit ng 2025 ay tataas pa sa 75.5 million ang mga users ng e-wallet.
Iginiit ni Gatchalian na dapat manghimasok na ang pamahalaan para matigil na ang naging kasanayan na pagbebenta ng SIM card na may rehistradong e-wallets.
Tinukoy sa resolusyon na binibili ng mga sindikato ang mga SIM cards na may e-wallet account at ginagamit ang mga ito sa smishing scams, identity theft at kahit sa “money mule” para sa mas malaking criminal scheme.
Batay naman sa PNP Anti-Cybercrime Group, interesado ang mga kriminal sa mga e-wallets dahil sa mahahalagang personal na impormasyon na maaaring ibenta sa dark web kapalit ng malaking halaga.