Online gambling, giit ipagbawal na

Sa inihaing panukala ni Villanueva, sinabi niya na kailangan nang ipagbawal ang online gambling dahil masyado nang malala ang masamang epekto nito sa lipunan kung saan hindi lang pera ang nawawala sa sugal kundi maging ang buhay at ari-arian.
Vallery Hache / AFP, file

MANILA, Philippines — Isinusulong ni Senate Majority Leader Joel Villa­nueva ang pagbabawal sa online gambling o pagsusugal sa pamamagitan ng internet.

Sa inihaing panukala ni Villanueva, sinabi niya na kailangan nang ipagbawal ang online gambling dahil masyado nang malala ang masamang epekto nito sa lipunan kung saan hindi lang pera ang nawawala sa sugal kundi maging ang buhay at ari-arian.

Inihalimbawa ng majority leader ang isang 19-anyos na estudyante sa Davao de Oro na inaresto ng mga otoridad dahil hindi nabayaran ang P500,000 na pananagutan sa online sabong, gayundin ang isang pulis na nangholdap ng isang remittance company sa Bulacan na nabaon sa utang dahil umano sa e-sabong.

Tinukoy din ng senador ang pagkawala ng may 34 na sangkot sa e-sabong at ang iba pang report na menor-de-edad ng pagnanakaw sa kanilang mga magulang dahil sa e-sabong.

Sa Senate Bill 1281 ni Villanueva ay makukulong ng isa hanggang anim na buwan at pagmumultahan ng P100,000 hanggang P500,000 ang mapapatunayang tumaya, tumanggap ng taya at nag-transmit ng taya sa online gambling.

Ang online gambling ay pagpusta sa anumang laro gamit ang internet.

Show comments