'Huli ka balbon': P300k naibayad na sa Marikina rat-to-cash program vs leptospirosis

Marikina Mayor Marcy Teodoro led the “Rat to Cash” program at the CEMO Compound in Marikina City on Wednesday. The goal of the program is to prevent residents from contracting leptospirosis this rainy season by encouraging them to turnover rodents to the local government unit in exchange for cash.
The STAR/Jesse Bustos

MANILA, Philippines — Kulang-kulang 2,000 na ang nahuhuling daga sa Marikina City kasunod ng isinasagawang "rat-to-cash" program ng naturang lungsod kontra leptospirosis ngayong tag-ulan, ayon kay Mayor Marcy Teodoro.

Aabot kasi sa P200 ang bayad ng local government unit sa mga residenteng makakahuli't makakapag-surrender ng mga dagang may bigat na 150 gramo pataas.

"Kahapon, naka 1,700 na daga ang nabilang namin na nahuli at nai-dispose properly," sabi ni Teodoro sa panayam ng TeleRadyo, Huwebes.

"Kahapon, ang binayaran namin doon sa palit ng cash... umabot kaming P300,000."

Kasalukuyang merong tatlong kaso ng leptospirosis sa lungsod, isang uri ng nakamamatay na sakit na naipapasa sa tao madalas sa pamamagitan ng ihi ng daga na nakakakontamina sa baha na pumapasok sa sugat ng tao.

Pero wika ni Teodoro, hindi sa Marikina nakuha ng mga nabanggit ang karamdaman.

"Dalawa dito ay construction worker, bumaha doon sa lugar na pinagtatrabahuan at yung isa, factory worker," dagdag pa ng alkalde.

1,770 leptospirosis cases ngayong 2022

Sa huling national leptospirosis data ng Department of Health, umabot na sa 1770 ang nahahawaan nito simula Enero hanggang ika-27 ng Agosto, 2022.

Kung pagsasama-samahin, ang mga kaso ngayong taon ay 36% mas mataas kumpara sa mga naiuulat na cases sa parehong panahon noong 2021 (1,299).

Karamihan sa mga leptospirosis cases ay naiulat mula sa:

  • National Capital Region: 378 (21%)
  • Western Visayas: 210 (12%)
  • Cagayan Valley: 195 (11%)

Nalampasan na ng Regions II, V, VII, VIII, XI at Cordillera Administrative Region ang alert at epidemic threshold sa nakalipas na apat na morbidity weeks (July 31 hanggang August 27, 2022). Pero wala naman daw clustering na nakita sa buong bansa.

Aabot na sa 244 ang namamatay simula noon.

"Ang maganda lang nangyayari ngayon, dahil nga may dredging kami sa Marikina River, ginagawa namin, buhat pa nung Ulysses, tuloy-tuloy, at pinalaki namin yung drainage system namin, ay walang reported flooding nitong nakaraan buwan," sabi ni Teodoro.

"Kaya talagang yung long-term solution, at yun yung tinututukan namin, ay yung maiwasan yung baha. Tsaka yung kalinisan ng lugar."

Show comments