MANILA, Philippines — Hindi nakarating si Executive Secretary Victor Rodriguez sa ikalawang pagdinig ng Senado kaugnay sa umano’y illegal sugar importation order.
Ayon kay Sen. Francis Tolentino, chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, pinadalhan nila ng imbitasyon si Rodriguez para sa pagdinig subalit gabi na ng makatanggap ng abiso na hindi siya makakarating dahil dadalo sa Cabinet meeting sa Malakanyang na kasabay ng pagdinig sa Senado.
Paliwanag ni Tolentino, maaaring ngayon ang itinakdang Cabinet meeting dahil hindi ito naisagawa noong Lunes dahil holiday.
Siniguro naman ng senador na muli nilang papadalhan ng imbitasyon si Rodriguez.
Matatandaan na sa pagdinig noong nakaraang Lunes, sinabi ni Rodriguez na kinompronta at sinita niya si dating Agriculture Secretary Leocadio Sebastian dahil sa hindi otorisadong paglagda para kay Pangulong Bongbong Marcos sa Sugar importation order no. 4.
Ang Sugar order no. 4 ay nagbibigay pahintulot sa pag-angkat ng may 300,000 Metriko tonelada ng asukal.