MANILA, Philippines — Dumagsa ang ilang progresibong mga manggagawa't kababaihan sa harapan ng Court of Appeals Martes upang patuloy na ipanawagan ang pagpapalitaw sa dalawang lider manggagawang pinaghihinalaang dinukot ng militar.
Kanina kasi ay dinidinig ng CA ang Permanent Protection Order request para sa mga pamilya nina Elizabeth "Loi" Magbanua and Alipio "Ador" Juat — mga biktima ng diumano'y extrajudicial arrest at detention.
Related Stories
"Nakakagalit itong pasistang pakana ng estado na ilegal na mang-aresto at magdetain ng mga human rights defender! Mag-aapat na buwan nang nawawala sina Loi at Ador at hindi pa rin nililitaw," wika ni Kilusang Mayo Uno vice chair Lito Ustarez kanina.
"Kahit positibo ang naging desisyon ng Korte Suprema na ipagkaloob ang Writ of Amparo, hindi pa rin kami lubusang mapapanatag hangga't hindi namin nakikita at nakakasama sina Loi at Ador."
Una nang naglabas ang Korte Suprema ng writ of amparo para sa dalawa. Tumutukoy ito sa proteksyong ibinibigay sa mga petitioner sa panahong may banta sa buhay, kalayaan at kaligtasan ng isang tao mula sa militar, pulis at estado. Sakop nito ang extralegal killings, sapilitang pagdukot atbp. banta.
Nakatakda namang magdesisyon ang CA kung pagbibigyan ang pag-iinspeksyon sa loob ng mga kampo militar at mga opisina para makatulong sa paghahanap.
"Nananawagan kami sa Court of Appeals na i-grant ang aming mga panawagan. Mas magiging panatag ang pamilya nina Loi at Ador para sa kanilang kaligtasan kung mabibigyan ng Permanent Protection Order," wika naman ni Gabriela secretary general Clarice Palce.
"Malaking hakbang para makita sina Loi at Ador kung magbibigay ng Inspection Order."
Kasama sa writ of amparo para kina Loi at Ador noong ika-23 ng Agosto ang pagbibigay ng temporary protection order para sa mga pamilya ng biktima laban sa Armed Forces of the Philippines.
Una nang iniutusan ng Korte ang mga opisyal ng AFP, Department of Natinal Defense at National Intelligence Coordinating Agency na isaoli ang writ of amparo.
"Hinahamon namin si Marcos Jr. na tumindig para sa karapatang pantao, bigyan ng hustisya ang mga biktima, at panagutin ang mga militar," saad pa ni Ustarez.
"O mageexpect kaming kapareho ka rin ng tatay mong diktador at pasista? Utusan mo ang mga militar mo na ilitaw sina Loi at si Ador!"
Matatandaang maraming biktima ng enforced disappearances, torture at pagpatay sa mga aktibista noong panahon ng diktador na si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., na siyang ama ni Bongbong.
Nangyari ang protesta kanina sa tapat ng CA kasabay ng International Day of the Disappeared.
Kanina lang din nang magtungo sa Bantayog ng mga Bayani ang ilang pamilya't mga aktibista para muling ipanawagan ang paglitaw sa kanilang mga mahal sa buhay na nawala simula pa noong Batas Militar hanggang noong nakaraang administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.