MANILA, Philippines — Walang pondo ang Libreng Sakay program ng Department of Transportation (DOTr) para sa mga commuters sa Metro Manila para sa susunod na taong 2023.
Ito ang nabatid sa isinagawang pagdinig ng House Committee on Transportation sa pamumuno ni Antipolo Rep. Romeo Acop nitong Huwebes.
Sa pagharap ni DOTr Undersecretary for Road Transport and Infrastructure Marke Steven Pastor, sinabi nito na ang kanilang ahensya ay humiling ng P12 bilyon para sa Service Contracting Program.
Pero hindi nila naisama sa 2023 National Expenditure Program (NEP) ang pondo para sa Libreng Sakay sa susunod na taon.
Sa ilalim ng panukalang budget ng DOTr sa 2023 NEP, humihiling ito ng P171.1 bilyon para sa susunod na taon na mas mataas ng 120.4 % mula sa P75.8 bilyon noong 2022.
Ang Service Contracting Program o Libreng Sakay partikular na sa EDSA carousel bus ay inisyatibo ng DOTr at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) noong huling bahagi ng 2020 sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act para tulungan ang mga commuters na apektado ng COVID-19 pandemic.
Ang nasabing programa ay ipinagpatuloy ng DOTr nitong 2021 at hanggang ngayong 2022.
Dahil dito, umapela si Pastor sa panel ng Kamara na mapondohan ang service contracting program hanggang sa susunod na taon para sa ‘Libreng Sakay‘ ng mga commuters.