MANILA, Philippines — Magsasagawa ng nationwide simultaneous earthquake drill sa Setyembre 8 ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) bilang bahagi ng pagsisikap ng bansa na maging handa laban sa mga natural calamities.
Ayon kay NDRRMC spokesman Mark Timbal, layon ng drill na maging handa ang publiko sa oras ng mga kalamidad.
Ang gagawing drill ay kasunod ng dalawang malakas na lindol na tumama sa Luzon at Mindanao, partikular ang magnitude 7.0 na lindol sa Abra noong Hulyo at ang magnitude 5.5 na lindol sa Davao del Sur ngayong linggo.
Binigyan diin din ni Timbal na nais nilang makilahok ang mga estudyante lalo pa’t may mga paaralan ang magsisimula na ng face-to-face classes.
Nanawagan din ang opisyal ng NDRRMC sa mga bata na babalik sa paaralan na magpabakuna laban sa COVID-19 upang maprotektahan laban sa respiratory illness.