Fixed salary sa bus drivers, konduktor itinulak sa Senado

MANILA, Philippines — Muling inihain ni Senator Jinggoy Ejercito Estrada ang panukalang batas na naglalayong magkaroon ng fixed na buwanang sahod at mas magandang kondisyon sa pagtatrabaho ang mga public utility bus drivers at conductors.

Ang panukala ni Estrada ay nakapaloob sa Se­nate Bill 2922 at kung magiging batas ay tatawaging “Bus Drivers and Conductor Compensation Act.”

Sinabi ni Estrada na sa ilalim ng kasalukuyang “boundary” at “commission-based compensation” palaging nakikipagkumpitensya sa isa’t isa ang mga drivers upang makakuha ng mas maraming pasahero at makapag-uwi ng mas malaking kita sa pamilya.

Sa ilalim ng Senate Bill 2922, nais ni Estrada na ang suweldo ng mga bus driver ay hindi dapat mas mababa sa umiiral na minimum wage rate at kaila­ngang may kasamang mga benepisyo at insentibo.

Inaatasan din ang mga operators ng public utility bus service na obserbahan ang work scheme ng mga drivers na hindi dapat lumampas sa 8-oras na may kasamang rest period. Dapat ding magkaroon ng two-shift system at isang oras na pahinga sa bawat araw ng trabaho.

Ang mga lalabag sa batas ay papatawan ng multang P100,000 hanggang P200,000 at suspensiyon ng prangkisa para makapag-operate.

Show comments