Senate bill ni Bato
MANILA, Philippines — Inihain ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa ang panukalang batas na naglalayong harangin ang kandidatura ng mga partylist group na may kaugnayan sa anumang rebelde at teroristang grupo.
Sa Senate Bill No. 201 ni Dela Rosa, ipinadidiskwalipika nito sa Commission on Elections (Comelec) ang partylist na direkta at hindi direktang lumalahok sa mga gawain na nagsusulong ng pagbagsak o paghina ng kapangyarihan ng gobyerno.
Gayundin ang mga partylist group na sa anumang paraan ay may kaugnayan sa mga rebeldeng grupo o anumang grupo na itinuturing ng gobyerno na terorista, alinsunod sa umiiral na anti-terrorism law.
Maliban dito, pinadidiskwalipika rin ang mga grupo na nag-uudyok sa mga kabataan at disadvantaged members ng lipunan na gumawa ng karahasan at mga labag sa batas.
Ayon kay Dela Rosa na hinangad ng mga gumawa ng konstitusyon na magkaroon ng partylist system para maging malawak ang representasyon ng taumbayan sa kongreso subalit naabuso at sinamantala na ito sa mga nakalipas na taon.
Giit ng senador na nakapasok na sa Kamara ang mga partylist group na nagsusulong ng rebolusyon, karahasan at pagkakahati-hati ng taumbayan.
Sinabi ni Dela Rosa na naabuso na ng ilang pamilya ng mga politiko ang partylist system, kaya kung siya ang masusunod, tuluyan na niya itong ipatitigil.