MANILA, Philippines — Inilinaw ng Office of the Press Secretary ngayong Huwbes na hindi idineklara ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ang ika-9 ng Agosto bilang special non-working holiday para sa yumaong dating presidente na si Fidel V. Ramos (FVR).
Ito ay matapos kumalat sa social media na idineklara raw ni Marcos. Jr. na special non-working holiday ang naturang petsa bilang pag-alala sa ika-12 pangulo ng Pilipinas.
Related Stories
"Huwag po tayo maniwala sa mga kumakalat na post sa Facebook at sa iba pang social media platform na idinedeklarang special non-working holiday ang August 9, 2022," giit ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles sa isang paskil.
"Hindi po ito totoo at walang inilalabas na anunsyo o proklamasyon tungkol dito," pagbibigay-diin niya.
"Maging mapanuri tayo sa mga nababasa at nakikita na social media."
Tuwing special non-working holiday, "no work, no pay." Gayunpaman, bibigyan ng dagdag 30% ng kanilang daily rate ang mga taong pipiliing magtrabaho sa araw na 'yon sa unang walong oras.
Ayon sa Palasyo, nakatakdang bigyan ng state funeral si Ramos sa Martes.
Una na rito, nito lamang Huwebes ng umaga nang pumunta si Marcos Jr. sa burol ni FVR sa Heritage Park, Taguig City.
"We clearly have suffered the loss for our country. But, the memories of him will be good because of the good work he did for the Philippines,” pahayag niya sa isang panayam
Nito lamang ika-31 ng Hulyo pumanaw ang dating pangulo.
Matatandaang idineklara bilang "period of national mourning" ang ika-31 ng Hulyo hanggang ika-9 ng Agosto para pagpugayan ang pumanaw na dating pangulo na "naglaan ng kanyang buhay" sa serbisyo publiko sa bansa.
Wala namang ibang detalye pa ang inilabas ng kanyang pamilya tungkol sa kanyang pagpanaw. — Philstar.com intern Vivienne Audrey Angeles