MANILA, Philippines — Kung ipagpapatuloy lang ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang economic policies ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, mananatiling "ambisisyong" target lang daw ang planong signipikanteng pagtapyas sa kahirapan ng Pilipinas, ayon sa isang non-government organization (NGO).
Sa unang State of the Nation Address (SONA) kasi ni BongBong nitong Hulyo, sinabi niyang target ng gobyernong maabot ang 9% o single-digit poverty rate pagsapit ng taong 2028.
Related Stories
"In 2015, the poverty rate was 21.6% and President Duterte targeted to bring it down to 14% but he was unsuccessful as current poverty rate is even higher at 23.7%," wika ni Council for People's Development & Governance spokesperson Liza Maza, Huwebes.
"The neoliberal policies and Build-Build-Build Program did nothing to alleviate poverty in the country and President Marcos Jr. expects to do a miracle with the same neoliberal policies and same economic managers? Ito ang lutang."
Disyembre 2021 lang nang sabihin ng Philippine Statistics Authority na 23.7% ang poverty rate sa populasyon ng Pilipinas noong Enero hanggang Hunyo noong nakaraang taon, bagay na mas mataas pa sa 21.1% rate sa unang dalawang quarters ng 2018.
Martes lang nang sabihin ng Social Weather Stations na papalo sa 48% ang self-rated poor families nitong Hunyo 2022 (12.2 milyon), mas mataas kaysa sa 10.9 milyon nitong Abril 2022.
Una nang sinabi ni Marcos Jr. sa kanyang SONA na magprepresenta siya ng komprehensibong infrastructure plan na na siyang "kukumpleto" sa mga proyektong nasimulan na raw ni Digong sa ilalim ng Build, Build, Build.
Sa kabila nito, wala nang ibang detalye na ipinakita si Bongbong, maliban sa pangakong "walang bahagi ng bansa ang maiiwanan" at "makakarating ang kaunlaran sa mga Pilipino."
Bagama't nalampasan ng Pilipinas ang economic development target sa pabahay, mababa naman daw ang posibilidad na maabot ng bansa ang mga target sa ibang core kindicators gaya ng gross domestic product (GDP) growth rate, proverty incidence, pati na pagdating sa mga sektor ng social protection at infrastructure.
Mayo lang nang tumalon sa 6% (katumbas ng 2.9 milyong Pinoy) ang unemployment rate sa Pilipinas, maliban pa sa mahigit three-year high sa bilis ng pagtaas ng presyo ng bilihin (inflation rate) sa 6.1% nitong Hunyo.
Ang neoliberalismo ay isang policy model na nagsusulong ng liberalisasyon, pribatisasyon at deregulasyon ng ekonomiya.
Si Maza, na dating kinatawan ng Gabriela Women's Party sa Kamara, ay kilalang lead convenor ng National Anti-Poverty Commission sa ilalim ni Duterte noong 2016 hanggang 2018. — James Relativo