'Abra quake' P704-M halaga ng pinsala na idinulot sa imprastruktura
MANILA, Philippines — Sumirit sa mahigit na P704 milyon ang pinsala sa imprastruktura ang iniwan ng magnitude 7.0 na lindol noong nakaraang linggo, bagay na nag-iwan ng pinakamalaking damage sa Cordillera Administrative Region.
Ayon sa pinakahuling taya ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), Lunes, papalo na sa P704,791,498.76 ang halaga ng nawasak ng lindol simula Miyerkules. Sinasabing aabot na sa 1,084 imprastruktura ang napinsala.
Narito ang breakdown ng halaga ng pinsala:
- Ilocos Region: P393,188,000
- Cagayan Valley: P8,540,000
- Cordillera: P302,763,498.76
Meron ding mga nawasak sa Central Luzon at National Capital Region ngunit wala pang nailalabas na estimates dito ang NDRRMC.
Tinatayang aabot naman sa P13.96 milyon ang production loss o cost of damage ng lindol sa CAR, maliban pa sa P4.5 milyong halaga ng irigasyong nadamay din sa parehong rehiyon.
Sa 24,901 napinsalang mga bahay, 24,547 dito ang bahagyang napinsala habang 354 naman dito ang wasak na wasak.
Narito naman ang breakdown ng mga naapektuhang populasyon sa ngayon:
- apektadong populasyon: 381,614
- patay: 10
- sugatan: 394
- lumikas na nasa loob ng evacuation centers: 3,781
- lumikas na nasa labas ng evacuation centers: 46,733
Dahil sa naturang sakuna, aabot na sa 27 lungsod at munisipalidad ang isinailalim sa state of calamity.
Aabot naman sa P25.24 milyong halaga ng ayuda ang naibahagi na sa Ilocos Region at Cordillera. Kabilang na riyan ang mga family food pack, relief assistance, hygiene kits, atbp.
- Latest