MANILA, Philippines — "Hanggang ngayon hindi ako makakain, makatulog. [H]anggang ngayon talagang walang panlasa" — ito ang naging pahayag ng drayber ng nasawing dating alkalde ng Lamitan City, Basilan na si Rose Furigay.
Anang drayber na hindi pinangalanan, una niyang inakala na bahagi ng graduation ceremony ang narinig niyang mga putok.
Related Stories
"May narinig akong putok pero mahina, na akala ko ay parang welcome lang iyon sa kanila sa graduation. ‘Pag tingin ko may bumubulagta na," sambit niya sa isang panayam ng GMA News na inere, Miyerkules.
Aniya, nalaman lang niyang ang kanyang amo ang nasawi nang makita niyang yakap na ang nabanggit ng anak na si Hannah na siyang magtatapos sana sa araw na iyon.
"Kaya ko lang nalaman na madam ko ang nabaril noong niyakap siya ni Hannah na umiiyak," wika niya.
Ayon sa ulat, ang drayber din ang naghatid kay Hannah sa ospital matapos nitong magtamo ng mga sugat dahil sa pamamaril.
Nito lamang linggo nang mangyari ang insidente ng pamamaril sa Ateneo de Manila University (AdMU), Quezon City kung saan gaganapin sana ang graduation ceremony para sa magsisipagtapos ng law school sa naturang unibersidad.
Bukod kay Furigay, nasawi rin sa pamamaril ang kanyang executive assistant na si Victor Capistrano at isang AdMu security guard na si Jeneven Bandiala.
Samantala, kasalukuyan nang nasa kustodiya ng mga otoridad ang suspek na si Dr. Chao-Tiao na siyang ayon sa imbestigasyon ay may personal na motibo sa ginawang krimen.
Nahaharap sa patong-patong na kaso ang 38 anyos na suspek. — Philstar.com intern Vivienne Audrey Angeles
Related video: