MANILA, Philippines — Tiniyak ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na mananatiling kaibigan, partner at mayroong matibay na ugnayan ang Pilipinas sa Estados Unidos sa ilalim ng kanyang pamumuno.
Ginawa ni Marcos ang pahayag nang matanggap niya ang mga kredensyal ni MaryKay Loss Carlson, US Ambassador to the Philippines, sa Malacañang noong Biyernes.
“To echo your commitment that the United States is committed to the Philippines, the Philippines is also committed to the United States, committed to the continuing relationship between our two countries in the many dimensions and the multi-faceted nature of our relationship between the US and the Philippines,” ani Marcos kay Carlson.
Sinabi ni Marcos na ang tradisyunal na ugnayan ng Pilipinas at US ay malalim at pangmatagalan.
Itinatag ng Pilipinas at US ang pormal na relasyong diplomatiko noong Hulyo 4, 1946, ang araw kung kailan natamo ng Pilipinas ang independent at sovereign state status.
Sinabi ni Marcos na mananatili ang Amerika bilang “kaibigan, kasosyo, at kaalyado” ng Pilipinas.
Ayon pa kay Marcos, sa harap ng pabago-bagong pandaigdigang sitwasyong pampulitika at pang-ekonomiya, ang ugnayan ng Pilipinas sa mga kaibigang bansa kung saan ang pinakamatagal ay sa Estados Unidos ng Amerika ang inaasahan na magpapanatili sa katatagan hindi lamang ng bansa kundi pati na rin ng rehiyon at ng mundo.
Una nang inimbitahan ni US Pres. Joe Biden si Marcos na bumisita sa US.
Tiniyak din kay Marcos na magkakaroon siya ng “full diplomatic immunity” bilang pinuno ng estado, sa kabila ng matagal nang contempt order na pumipigil sa kanya na makapasok sa US.