MANILA, Philippines — Inihayag ni Senator Christopher “Bong” Go na suportado niya ang mga pagsisikap na magkaroon ng “pagtatapyas” sa burukrasya upang mas maging epektibo o episyente ang pagsisilbi ng pamahalaan sa taongbayan.
Gayunman, iginiit ng senador na dapat ding isaalang-alang ang kapakanan ng mga empleyado ng gobyerno na maaaring maapektuhan ng naturang hakbangin.
Ginawa ni Go ang pahayag kasunod ng mungkahi ng Department of Budget and Management na “i-rightsize” ang burukrasya para maalis ang mga redundancies sa mga ahensya ng gobyerno.
Sa pamamagitan nito, matutulungan ang gobyerno na makatipid ng hanggang P14.8 bilyon taun-taon.
“Sinusuportahan ko ang mga hakbang para ma-streamline ang burukrasya upang maging mas mabilis, maayos, at maaasahan ang serbisyong nakukuha ng mga tao,” ani Go.
“Ngunit sa lahat ng ito, dapat ding ikonsidera ang kapakanan ng mga kawani ng gobyerno na posibleng mailipat, mapalitan, o maalisan ng mandato o trabaho,” patuloy ng senador.
Sa ilalim ng nasabing panukala, ang DBM ang magdedesisyon kung alin sa 187 ahensya ng gobyerno at government-owned and -controlled corporations ang maaaring i-streamline sa pamamagitan ng merger, restructuring o abolition.
Muling inulit ni Senator Go ang pangangailangang protektahan ang kapakanan ng mga empleyado ng gobyerno na maaaring maapektuhan ng rightsizing.