P37-P50/litro ng petrolyo, hirit

Ayon kay Pinagka-Isang Samahan ng mga Tsuper at Opereytor Nationwide (PISTON) national president Mody Floranda, ikinatutuwa nila ang nakaambang na panibagong round ng bawas sa presyo ng mga petroleum products ngunit mas mainam anila kung higit pa itong mapapababa ng gobyerno sa P37-P50.
STAR/File

MANILA, Philippines — Umapela ang transport group sa pamahalaan na umaksiyon upang mapababa pa ang presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa ng mula P37 hanggang P50.

Ayon kay Pinagka-Isang Samahan ng mga Tsuper at Opereytor Nationwide (PISTON) national president Mody Floranda, ikinatutuwa nila ang nakaambang na panibagong round ng bawas sa presyo ng mga petroleum products ngunit mas mainam anila kung higit pa itong mapapababa ng gobyerno sa P37-P50.

Bukod dito, nais din ng grupo na pahintulutan na ng gobyerno ang mas marami pang public utility vehicles (PUVs) na mag-operate kasunod na rin nang nakatakda nang pagbubukas muli ng klase sa susunod na buwan.

“Kahit papaano ay madaragdagan na ang kita niyan at makakapagpagawa tayo ng ating sasakyan. Lalo na sa ngayon na batay sa gobyerno ay sa dara­ting na August 22, ay mag-o-open classes na kaya mas kailangan talaga ng malaking public transport para doon sa tuluy-tuloy na pagse-serbisyo sa ating mamamayan,” ani Floranda, sa panayam sa radyo nitong Linggo.

Sa pagtaya ng ilang oil industry sources, posibleng mabawasan pa ang presyo ng diesel ng P1.70 hanggang P1.90 kada litro ngayong darating na linggo habang ang presyo naman ng gasolina ay maaaring mabawasan ng P4.70 hanggang P4.90 kada litro.

Ani Floranda, dapat na respetuhin at kilalanin ni Pangulong Bongbong Marcos ang lehitimong prangkisa ng mga pampublikong transportasyon upang tuluy-tuloy na silang makapagserbisyo sa mga mamamayan, partikular na sa mga estudyante na magbabalik-eskwela na.

Una nang itinakda ng Department of Education (DepEd) sa Agosto 22, 2022 hanggang Hul­yo 7, 2023 ang School Year 2022-2023.

Ang implementasyon naman ng full face-to-face classes ay magsisimula na sa Nobyembre 2, 2022.

Show comments