MANILA, Philippines — Nababahala si ACT Teachers Partylist Rep. France Castro para sa mga guro dahil sa maagang pagsisimula ng susunod na academic year, bagay na magsisimula na raw agad-agad kahit tambak pa ang paperworks mula School Year 2021-2022.
Ayon sa Department Order 34 s. 2022 ng Department of Education, magsisimula ang enrollment para sa School Calendar para sa taong 2022-2023 sa ika-25 ng Hulyo habang ang unang pormal na klase naman ay gaganapin sa August 22.
“Noong June 24 dapat ang pagtatapos ng School Year 2021-2022 pero ang teachers natin ay baon pa rin sa pagtatrabaho ng paperworks hanggang ngayon. Mahigit isang linggo na lang, kailangan na pumasok ng mga teachers para paghandaan ang parating na school year,” wika ni Castro sa isang pahayag, Miyerkules.
"Hindi na sila nakapagpahinga, wala pang kasiguruhan na sapat na mababayaran sila sa labis na serbisyong binibigay nila."
“Ayaw na nating maulit ang nangyari noong SY 2020-2021 kung saan nauwi sa 'thank you' na lamang ang labis na pagpapapasok sa mga guro sa panahon na dapat sila ay nagpapahinga at nagpapalakas para sa susunod na school year."
Bukod sa pagbubukas ng panibagong school year sa Agosto — na siyang magtatapos sa ika-7 ng Hulyo 2023 — babawalan na ng Kagawaran ng Edukasyon ang mga pampubliko at pribadong eskwela na magsagawa ng purely distance o purely blended learning sa gitna ng bahagyang pagtaas ng COVID-19 infections.
Ngayong Huwebes lang nang sabihin ni Bise Presidente at Education Secretary Sara Duterte na "walang problema" kahit na paghaluin ang mga estudyanteng bakunado at hindi bakunado laban sa COVID-19.
Iminungkahi din ng kinatawan ang pagbibigay ng "Proportional Vacation Pay" para sa mga gurong magtatatrabaho bago magsimula ang klase.
“Sa panahon ng June 25- August 22, 2022, tinatamasa dapat ng mga guro natin sa public school ang Proportional Vacation Pay (PVP). Wala na ngang sick leave ang teachers natin, hindi pa lubos na nakakapagpahinga ang mga teachers dahil sa dami ng paperworks at dagdag na trabaho na pinapataw sa kanila,” dagdag pa ni Castro.
Sa huli, nanawagan ang ACT Teachers party-list kay Duterte na umaksyon sa mga panawagan ng mga public schools teachers hinggil sa mga isyung ito. — Philstar.com intern Jomarc Corpuz