MANILA, Philippines — Ni-recalibrate o binago ng Department of Transportation (DOTr) ang kanilang programang magkakaloob ng libreng train rides para sa mga estudyanteng magbabalik-eskwela na simula sa Agosto.
Ayon kay DOTr Undersecretary Cesar Chavez, tanging ang Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) na lamang ang magbibigay ng libreng sakay sa mga estudyante simula Agosto 22 hanggang Nobyembre 4, 2022.
Sinabi ni Chavez na mas maraming estudyanteng sumasakay sa LRT-2, na siyang dumaraan sa university belt area sa Maynila, kumpara sa Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) at sa Philippine National Railways (PNR).
Una nang inianunsiyo ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. na sasagutin ng pamahalaan ang pamasahe sa LRT-2 ng mga estudyanteng patungo sa university belt.
Sinabi na rin naman ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ititigil na nila ang pagbibigay ng libreng sakay dahil sa kakulangan ng pondo.
Inihayag na rin naman ni DOTr Secretary Jaime Bautista na kakailanganin nila ng P1.4 bilyong pondo upang maipagpatuloy ang pagkakaloob ng libreng sakay para sa Pinoy commuters.