MANILA, Philippines — Halos 490,000 aplikasyon para sa nagpapatuloy na registration ng mga regular at youth voters na ang natatanggap ng Commission on Elections (Comelec) mula nang umpisahan nila ang pagpapatala nitong Hulyo 4.
Sinabi ni Comelec spokesperson John Rex Laudingco na nitong Hulyo 8, nasa 487,628 aplikasyon na ang kanilang natatanggap, base sa Nationwide Consolidated Daily Report na inilabas ng Election and Barangay Affairs Department (ECAD).
Kabilang dito ang 302,040 indibiduwal na may edad 15-17; 157,925 na may edad 18-30; at 21,270 na nasa 31 taong gulang pataas.
May 88,471 indibiduwal ang nag-aplay para sa transfer sa ibang siyudad o munisipalidad; at 21,270 para sa transfer sa parehong siyudad o munisipalidad.
Nasa 3,986 ang aplikasyon sa transfer na may kasamang reactivation ng kanilang rehistrasyon; 1,323 reactivation at correction sa kanilang entries; at 4,712 transfer at correction ng kanilang entries.
Nasa 27,883 ang nag-aplay para sa reactivation; 6,303 para sa reactivation at correction; 18,577 sa change of names/correction of entries; 58 para sa makasama sa Book of Voters; 11 para sa pagpapabalik sa List of Voters; at 1,697 para sa transfer mula sa overseas voting sa local voting.
Tatagal ang voter’s registration hanggang Hulyo 23 lamang at maaaring magtungo ang mga aplikante sa mga election office mula Lunes hanggang Sabado kabilang ang holidays para makalahok sa darating na Sangguniang Kabataan at Barangay Elections sa Disyembre.