Red-tagged media outlet hinamon sa korte ang gobyerno sa pag-block ng kanilang website
MANILA, Philippines — Dumulog na sa korte ang isa sa mga media outlets na ipinatanggal ng gobyerno online, ito matapos silang iugnay sa rebelyon ng Communist Party of the Philippines, New People's Army at National Democratic Front of the Philippines (CPP-NPA-NDFP).
Hunyo lang nang utusan ni dating National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr. ang National Telecommunications Commission (NTC) na i-block ang 28 websites na suportado raw ang mga "communist terrorists." Isinama rito pati lehitimong news sites gaya ng Bulatlat at Pinoy Weekly.
Naghain tuloy ng reklamo ngayong Biyernes ang Alipato Media Center Inc., publisher ng Bulatlat, sa Quezon City Regional Trial Court upang bawiin ng NTC ang kanilang memorandum na nagpapatupad ng naturang utos.
"[The] Plaintiff respectfully prays that this Honorable Court... ISSUE A TEMPORARY RESTRAINING ORDER enjoining Defendant NTC from enforcing its 08 June 2022 Memorandum ordering the immediate blocking of the Plaintiff's website, Bulatlat.com,"
"Upon due notice and hearing, ISSUE A WRIT OF PRELIMINARY INJUCTION enjoining Defendant NTC from enforcing its... Memorandum ordering the blocking of the Plaintiff's website, Bulatlat.com."
Matapos dinggin ang mga merito ng reklamo, hinihingi rin ng Bulatlat ang pagpapawalambisa ng NTC memorandum, maliban pa sa pagexemplary damages o danyos na nagkakahalaga ng P1.00.
Ilan sa mga pinangalanang defendant ang:
- NTC (kakatawanin ng kanilang commissioner na si Gamaliel Asis Cordoba)
- National Security Council
- Esperon
"Bulatlat.com are not in any way affiliated to and/or are supporting terrorist or terrorist organizations," dagdag pa ng Alipato sa 128-pahinang reklamo.
"As there is no factual or legal bases therefore, none of them is designated, much less being prosecuted for any of the prohibited act under [Republic Act] 11479 or the 'Anti-Terrorism Act of 2020'."
Iginigiit din ng Bulatlat na paglabag ang ginagawa ng NTC at nina Esperon sa freedom of the press, speech at expression na siyang pinoprotektahan ng 1987 Constitution.
Bagama't vice-chairperson noon ng Anti-Terrorism Council si Esperson sa ilalim ng anti-terror law, hindi designated bilang mga terorista ang mga news outfits gaya ng Bulatlat at Pinoy Weekly, na dati nang nare-red tag dahil sa kanilang kritikal na pagbabalita at progresibong komentaryo.
Una nang sinabi ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) na hindi krimen ang peryodismo, habang idinidiing peligrosong ipag-isa ang ligal na pagbabalita sa pagsuporta sa mga rebeldeng komunista.
Ito, ang pag-shutdown sa ABS-CBN at ang tulak ng Securities and Exchange Commission sa pagbabasura sa Certificates of incorporation ng media organization na Rappler Inc. at Rappler Holdings Corp. ay itinuturing ngayon ng media group bilang isa sa mga iniwang legacy ng nagdaang Pangulong Rodrigo Duterte.
Una nang sinabi ng Integrated Bar of the Philippines na walang kapangyarihan ang NTC na limitahan ang access ng publiko sa mga websites at miyembro ng press gamit ang mga hindi mapatunayang kuneksyon sa mga rebelde. — may mga ulat mula kay Kristine Joy Patag
- Latest