MANILA, Philippines — Mariing itinanggi ni Sen. Imee Marcos na magarbong party sa Palasyo ang inorganisa nila para sa ika-93 kaarawan ng inang si Imelda sa Malacañang. Aniya, "nag-merienda lang" sila roon.
Sabado kasi nang ipagdiwang ni Imelda — na guilty sa pitong counts ng graft at ina ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. — ang kanyang birthday na dinaluhan ng kanilang mga pamilya.
Related Stories
Matatandaang ipinaskil sa Instagram ni Michael Manotoc, anak ni Imee, ang ilang kuha sa naturang pagtitipon kung saan makikitang bongga ang suot ng mga dumalo.
"[A]ng nanay ko 93 na, ang tatanda na n'on. Pag sinabing party, parang yugyugan, [h]indi ganon kasi they are also ancients but yes, we had a get together," sambit niya nang tanungin tungkol sa naturang okasyon, Lunes.
"Very simple merienda with a small recital of old friends and scholars," dagdag pa niya.
Anang opisyal, masaya ang dating first lady dahil nasaksihan daw niyang mahalal bilang presidente ang kanyang mister at anak habang nabubuhay pa, dahilan para maging “happiest person in the world” daw siya.
Kilalang asawa ng diktador na si Ferdinand Marcos Sr. si Imelda, na kilalang may mga nakaw na yaman ayon sa Supreme Court. Dati rin siyang nagpataw ng Martial Law noong 1972 na nagbunsod ng mga human rights violations.
"Kaya nakakatuwa siya. We had a simple family and friends get-together. Just a small get-together and her musical and arts scholars performed a small recital for her and she was very, very pleased," pagpapatuloy niya.
"I'm sure everyone [guests] brought food, as a matter of fact," wika niya habang tinitiyak na walang ginastos na pera ng gobyerno.
"At saka libre naman lahat noong mga tumugtog. Bawal ba 'yon? Hindi ko alam. Kasi nagbi-birthday party rin ko noong bata ako doon eh."
Pinakamatagal na residente ng palasyo ang pamilyang Marcos, na nanirahan doon mula 1965 hanggang 1986.
Sa ilang diksyunaryo, ginagamit ang salitang "Imeldific" para tumukoy sa pagiging, "Ostentatiously extravagant, sometimes to the point of vulgarity."
'No comment'
Kaugnay ng naturang "lavish" party, sinabi ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) nitong Linggo na hindi sila magbibigay-komento patungkol dito.
Anila, maglalabas lang sila ng pahayag kung saan "involved” ang "public interest or welfare" ng publiko.
Dahil sa pagkukwestyon ng publiko sa pa-party ng First Mother, siniguro ni PCOO Secretary Trixie Cruz-Angeles na "susunod" naman sa batas si President Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr.
"We acknowledged those concerns. There's no policy yet in place and that's all that we can really say about it," pahayag niya.
"We assure you that the president would adhere to law. So that is the presumption. No directive in excess that is written into law," pagpapatuloy niya.
May kasaysayan ang pamilyang Marcos sa pag-oorganisa ng magagarbong party noong panahon ni Marcos Sr., kasama na rito ang pagtitipon na hindi sinipot ng bandang The Beatles. — Philstar.com intern Vivienne Audrey Angeles