MANILA, Philippines — Batas na ang Expanded Solo Parents Welfare Act matapos mag “lapse into law” kung saan nadagdagan ang mga benepisyong matatanggap sa gobyerno ng mga solo parents.
Sa ilalim ng Republic Act 11861 na nag-aamiyenda sa ilang probisyon ng Republic Act 8972, lumawak ang mga pribilehiyo at benepisyo sa mga solo parents.
Sa ilalim ng Saligang Batas, maaaring i-veto ng Pangulo ang isang panukalang batas, lagdaan ito o hayaan itong maging batas 30 araw mula sa oras na matanggap niya ang pinal na naka-enroll na form.
Magkakaroon ng dagdag na pitong araw na parental leave ang solo parent mula sa regular na 15 araw na bakasyon basta mayroon na itong anim na buwan sa trabaho.
Pero ang pitong araw na parental leave ay mababalewala kung hindi nagamit sa loob ng isang taon.
Ang isa sa mga anak ng solo parent na may edad 22 pababa na nakadepende pa sa kanya ay makakatanggap ng full scholarship mula sa Department of Education (DepEd) o kaya sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) .
Ang mga solo parents na kumikita ng P250,000 kada taon ay magkakaroon ng 10% na exemption sa Value Added tax sa mga gamit ng anak katulad ng gatas, diapers, gamot, medical supplies, pagkain at supplements mula pagkasilang hanggang anim na taon.
Bibigyan din ng P1,000 cash subsidy kada buwan ang isang solo parent na wala pa sa minimum wage ang kinikita.
Kabilang sa iba pang benepisyo ang prayoridad sa murang pabahay, coverage mula sa PhilHealth, educational scholarship para sa mga bata, at iba pa.
Sinasabi rin ng RA 11861 na walang employer ang dapat mag-discriminate laban sa mga solo parent na empleyado hinggil sa kanilang mga tuntunin at kundisyon sa trabaho.