MMDA clearing ops nauwi sa bugbugan; 2 enforcer sugatan sa EDSA-Pasay

Video grab ng pangunguyog sa dalawang MMDA officers sa Pasay
Mula sa Facebook page ni William Gile Official

MANILA, Philippines — Sugatan ang dalawang kawani ng Metro Manila Development Authority (MMDA) matapos kuyugin sa Pasay City nitong Linggo.

Ayon sa Pasay Police, nangyari ang insidente sa EDSA-Pasay kung saan nagsasagawa ng clearing operation ang MMDA sa mga E-trike na dumadaan sa EDSA. Matatandaang bawal dumaan ang mga e-trike sa EDSA. 

"Nasita iyong isang residente doon pertaining sa e-trike niya," ani Police Colonel Cesar Paday-os, hepe ng Pasay City Police, Linggo sa ulat ng GMA News.

Ayon sa mga taga-MMDA, naisakay na nila sa kanilang truck ang e-trike nang pwersahan itong kunin ng mga lalaki. Nang pipigilan na sila doon na naganap ang pambubugbog. 

Sa kuha ng isang pasahero ng MRT3, makikitang napahiga ang mga enforcer dahil sa tindi ng tama sa ulo at katawan na tinamo nila sa pambubugbog.

 

 

Makikita rin sa video ang paghabol pa ng isa sa mga nambugbog ng pamalo sa isa pang enforcer na umaawat sa gulo.

Tinawag naman ni MMDA task force special operations and anti colorum unit head Bong Nebrija na “anarkiya” o hindi pagsunod sa awtoridad ang nagyaring pambubugbog sa dalawang enforcer. Nananawagan si Nebrija na sumuko na ang mga nambugbog. 

“Hindi po tayo magpapatakot kahit despite po ng nangyari dadaan po tayo sa legal process, in fact nagpapa-set na po ako ng meeting doon sa kapitan ng lugar para po ma-identify yung mga gumawa nito” ani Atty. Romando Artes, MMDA chairman, Lunes. 

Nakatakdang samahan ng MMDA ngayong araw ang dalawa nilang kasamahan para magsampa ng reklamo. — Philstar.com intern John Vincent Pagaduan

Show comments