MANILA, Philippines — Nasa 20% hanggang 30% na lang ng kabuuang bilang ng mga provincial buses ang bumibiyahe sa ngayon, bunsod ng sunud-sunod na pagtaas ng mga presyo ng produktong petrolyo sa bansa.
Ayon kay Provincial Bus Operators Association of the Philippines executive director Alex Yague, noong Abril ng luwagan ang mga ipinatutupad na COVID-19 restrictions ay umakyat na sa 60% ang bilang ng mga provincial buses na bumibiyahe.
Pero muli itong bumaba sa nakalipas na mga linggo dahil na rin sa pagtaas ng presyo ng petroleum products.
“Nitong mga nakaraang linggo ay tumaas nang husto ‘yung halaga ng diesel. Kaya ‘yung 60% na dating tumatakbo during the May election up to early June bumagsak na naman ito, 20% to 30% na lamang ang tumatakbo,” ani Yague.
Hindi naman sinabi ni Yague kung ilan ang kabuuang bilang ng mga provincial buses na tinutukoy niya.
Sinabi pa ni Yague na dahil sa limitadong bilang ng mga bus, kinakailangan ng mga pasahero na maghintay ng mas matagal upang makasakay.
Una nang napaulat na 26,000 provincial bus workers ang nawalan ng hanapbuhay dahil sa serye ng fuel price hikes.