Robredo patapos na mag-impake paalis ng VP office; Trabaho sa 'Angat Buhay' pinaghahandaan

Ipinakikita ni outgoing Vice President Leni Robredo ang itsura ng kanyang tanggapan sa ngayon, ika-22 ng Hunyo, 2022, na halos wala nang laman habang naghahandang umalis sa pagtatapos ng kanyang termino

MANILA, Philippines — Malinis at halos wala nang laman ang tanggapan ni outgoing Vice President Leni Robredo habang naghahandang mag-alsa-balutan walong araw bago magtapos ang kanyang termino.

Ito ang ipinakita ni VP Leni sa isang livestream matapos matalo sa pagkapangulo nitong May 2022 elections kay president-elect Ferdinand Marcos Sr., ito habang hinihintay ang pagpasok ng susunod na bise na si outgoing Davao City Mayor Sara Duterte.

"Last eight days in the office... Patapos na kami mag-impake," wika niya Miyerkules habang ipinakikita ang mga kahong dadalhin sa opisina ng Angat Buhay non-government organization.

"Halos bare na 'yung office namin. 'Yung mga personal items ko na lang 'yung dadalhin... Ito 'yung inner office ko. Halos wala nang laman... Ang naiwan dito ay office property."

Mayo lang nang ianunsyo sa publiko ni Robredo ang ila-launch nila na Angat Buhay NGO, na siyang naglalayong ipagpatuloy ang anti-poverty programs na kanilang nasimulan habang nanunungkulang bise. Ito ang banggit niya habang kinukumbinsi ang mga botanteng tanggapin ang resulta ng eleksyon.

Sinasabing magsisimula ang trabaho ng naturang NGO sa ika-1 ng Hulyo.

Ang mga natitirang mga kahon ay sinasabing ililipat nila sa kanyang bagong NGO office bago magtapos ang linggong ito.

"Marami tayong art pieces [dito], pero makikita niyo 'yan sa museum. Lahat siya magiging property ng Angat Buhay dahil alam niyo namang wala akong malaking bahay so hindi ko siya matatago doon," sabi niya, matapos ipakita ang ilang obra maestrang gawa ng ilang artists. Ang iba rito ay regalo ng supporters gaya nina Ogie Alcasid at Regine Velasquez.

"After June 30 ay mas madalas na akong magfe-Facebook Live."

Ika-3 ng Hunyo nang personal na kitain ni Robredo ang transition team ni Sara Duterte matapos bumisita ang huli sa kanilang tanggapan sa Quezon City para sa "swabeng transisyon."

Si Sara ay anak ni Pangulong Rodrigo Duterte, na siyang madalas makabanggaan ni Robredo sa mga polisiya sa madugong gera kontra droga at karapatang pantao.

Show comments