MANILA, Philippines — Nadagdag sa Gabinete ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sina dating Senate president Juan Ponce Enrile, outgoing Justice Secretary Menardo Guevarra at retired AFP General Jose Faustino Jr.
Kinumpirma ni Press Secretary-designate Trixie Cruz-Angeles na si Enrile ang magsisilbing presidential legal counsel ni Marcos.
Matatandaan na sinuportahan ni Enrile ang tambalan nina Marcos at Vice President-elect Inday Sara Duterte noong 2022 elections.
Ang 98-taong-gulang na dating mambabatas ay nagsilbi na sa iba’t ibang tungkulin sa nakalipas na 50 taon, kabilang ang posisyon bilang interim Secretary of Finance (1966-1968), Secretary of Justice (1968-1970), at Minister of National Defense (1972-1986).
Apat na termino ring nagsilbi si Enrile sa Senado at naging ika-21 Pangulo ng Senado noong 15th Congress (2008-2013).
Samantala, tinanggap din ni Guevarra ang nominasyon bilang Solicitor-General-designate sa kanyang pakikipagpulong kay Marcos noong Huwebes.
Ayon kay Angeles, si Guevarra, na napili para sa kanyang mahusay na pagganap bilang abogado sa loob ng mahigit 30 taon, ay nagtapos na magna cum laude majoring in Political Science sa Ateneo de Manila University noong 1974.
Nakuha ni Guevarra ang kanyang Masters in Economics mula sa Unibersidad ng Pilipinas at nagtrabaho sa National Economic and Development Authority (NEDA) mula 1977-1983. Natanggap niya ang kanyang Bachelor of Laws degree mula sa Ateneo at pumangalawa sa 1985 Bar exams.
Nagsimula si Guevarra sa pribadong pagsasanay sa batas noong 1986 at nagturo sa kanyang alma mater na Ateneo noong 1990 bilang bahagi ng Law School faculty na dalubhasa sa civil law, criminal law, at administrative litigation.
Bago italaga bilang ad interim Justice Secretary noong 2018, si Guevarra ay naging Deputy Executive Secretary ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ang pinakahuling nominado ni Marcos na si Faustino ay nagsilbi bilang ika-56 Chief of Staff ng AFP hanggang sa kanyang mandatory retirement noong Nob. 12, 2021.
Si Faustino at si incoming National Security Adviser, retired UP Prof. Clarita Carlos, ay nakipagpulong din kay Marcos noong Huwebes.
Si Faustino ay itatalaga bilang Senior Undersecretary at Officer-in-Charge ng Department of National Defense (DND), isang post na hahawakan niya bago maging Kalihim sa Nob. 13, 2022, bilang pagsunod sa isang taong pagbabawal sa appointment ng mga retiradong opisyal ng militar sa ilalim ng Republic Act 6975.
Nagtapos si Faustino sa ilalim ng “Maringal” Class ng 1988, at isang iginagalang na Mindanao veteran at nagsilbi sa ilalim ng special forces, infantry at intelligence posts. Siya rin ang kumander ng Joint Task Force Mindanao at naging commanding General ng Philippine Army bago itinalagang AFP Chief of Staff.