MANILA, Philippines — Tuluyang binura na ng Commission on Elections (Comelec) sa servers ng National Printing Office (NPO) ang mga ‘ballot faces’ na ginamit para sa May 9, 2022 national and local elections, kahapon ng umaga.
Sinabi ni Comelec-Education and Information Department (EID) director James Jimenez,na kailangang alisin na ng poll body ang mga ballot faces mula sa NPO servers dahil tapos na ang kanilang operasyon doon.
“Ang mangyayari ngayon is to delete these [ballot faces] from the servers of the NPO and this is preparatory to finally pull it out of the NPO kasi tapos na po ang trabaho ng Comelec dito sa NPO,” paliwanag ni Jimenez.
Bukod sa ‘precinct-specific ballots’ na ginamit sa halalan, buburahin din ng Comelec ang mga ginamit para sa kanilang roadshow, ang mga test ballots, gayundin ay mga balotang ginamit para sa overseas voting.
Tiniyak naman ni Jimenez na magtatabi pa rin sila ng kopya ng mga naturang ballot faces at iba pang datos na ibinahagi nila sa NPO.
Sa pagbura ng mga ballot faces, sensyales umano ito na opisyal nang tapos ang 2022 election sa bansa.