MANILA, Philippines — Ipinapaubaya ng Malacañang sa susunod na administrasyon at economic team ni President-elect Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapataw ng bagong buwis.
Ang nasabing hakbang ay isinulong ng Department of Finance kung saan nais ipagpaliban ang mga personal income tax reductions at pinatatanggal ang ilang tax exemptions para makalikom ng pondo ang gobyerno para ipambayad sa utang ng bansa.
Sinabi ni acting presidential spokesperson at Communications Secretary Martin Andanar na ang nasabing mungkahi ni Finance Secretary Carlos Dominguez III ay dapat pagpasyahan ng susunod na gobyerno.
Layunin ng plano ng DOF na matiyak na epektibong matutugunan ang kakulangan sa budget habang napopondohan ang mga imprastruktura, edukasyon, healthcare at ekonomiya.
Kaugnay nito, pag-aaralan ni outgoing Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) governor at incoming Finance Secretary Banjamin Diokno ang mga bagong panukala sa pagpapatupad ng mga bagong buwis.
Sinabi ni Diokno na ang mga panukala ay mula sa papaalis na administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa naiwang utang na P3.2 trilyon na ginamit sa COVID-19 pandemic response. Kailangan umano na makalikom ang bagong administrasyon ng P249 bilyong dagdag kita para maipambayad sa naturang utang sa susunod na 10 taon.
Nabatid na umakyat na sa P12.68 trilyon ang kabuuang utang ng pamahalaan nitong Marso.
Positibo naman si Diokno na magkakaroon ng ‘sustainability’ sa pagbabayad ng utang.