10 sugatan sa protesta vs Marcos proclamation — mga grupo

Protesters clash with members of the Quezon City Police District during a rally in front of the Commission on Human Rights building on the second day of canvassing of votes for president and vice president.
The STAR/Russell Palma

MANILA, Philippines — Nagkabombahan ng tubig at sakitan ang ilang raliyista't mga kawani ng Philippine National Police (PNP) matapos ang isinagawang protesta tutol sa napipintong proklamasyon ni presumptive president Ferdinand "Bongbong" Marcos — na nanalo raw sa "maruming" 2022 elections.

Nagkagiriian ang hanay ng kapulisan at mga militante sa tapat ng Commission on Human Rights (CHR), kahit nakatalaga ang Liwasang Diokno nito bilang isang "freedom park" — lugar na 'di kailangan ng permit to rally sa ilalim ng Batas Pambansa 880.

"At least 10 injured individuals are injured and in need of medical assistance after the Philippine National Police attempted to disperse a peaceful protest at the Commission on Human Rights today," wika ng League of Filipino Students (LFS), Miyerkules.

"[LFS] raises alarms and condemns the violent attempt of the Philippine National Police to disperse the peaceful assembly at the Commission on Human Rights to reject the fraudulent win of the Marcos-Duterte tandem in the 2022 national elections."

Isa sa mga sugatan ay isang campus journalist ng Polytechnic University of the Philippines na nagco-cover ng naturang protesta, ayon naman sa College Editors Guild of the Philippines.

Sa mga litrato at videos, makikitang nagkatulukan ang mga raliyista't pulis, ang huli kumpleto ng riot shields at mga batuta. Kinalaunan, lumabas na ang isang truck ng bumbero at binomba ang mga kritiko ng water cannon.

 

Kanina lang nang sabihin ni Vic Rodriguez tagapagsalita ni Marcos, na dadalo ang presumptive president sa proclamation ceremony na inihahanda ng Konggreso ngayong hapon, lalo na't minamadali ang pag-canvass ng mga boto para sa posisyon ng pangulo at bise para maihabol ngayong araw.

Ika-13 lang ng Mayo nang magkasa ng "Black Friday protest" ang grupong Kontra Daya at atbp. sa Lungsod ng Pasay para sa national canvassing ng Comelec dahil sa nakikita nilang "pinakamaruming eleksyong 2022," na siyang naimpluwensyahan na raw ng dayaan, red-tagging at deka-dekadang disinformation efforts.

"Hindi pa nagpapalit ang bagong rehimen, pero mas lalong nagiging marahas sa mga lehitimo at demokratikong pagkilos ng taumbayan," wika ni Kilusang Mayo Uno secretary general Jerome Adonis, sa isang panayam matapos bombahin.

"Hindi po ito ang mukha ng demokrasya. Dapat ang mamamayang Pilipino, basta't peaceful, maayos, dapat payagan pong makapagprotesta dahil ang dala-dala namin ay isyu ng taumnbayan."

"Mariin naming kinukundena ang kalapastanganan, ang pamamasista ng [PNP]... Hindi po kami matatakot, hindi po kami mapapaatras... Kami po ang ikalawang henerasyon ng lumaban sa Martial Law kaya ipagpapatuloy namin ang interes sa pakikibaka ng mamamayang Pilipino anuman ang mangyari."

Hinihingi pa ng Philstar.com ang panig ng PNP at Quezon City Police District (QCPD) hinggil sa nangyari ngunit hindi pa tumutugon hanggang sa ngayon.

Si Bongbong ay kilalang anak ng diktador at dating Pangulong si Ferdinand Marcos Sr., na siyang nagdeklara ng Martial Law mula 1972 hanggang 1983. Kaugnay nito, 70,000 ang kinulong, 34,000 ang tinorture habang 3,200 naman ang pinatay, ayon sa Amnesty International.

Hanggang sa ngayon ay naninindigan ang Comelec na walang nangyaring pandaraya sa eleksyong 2022, bagay na naging "transparent" at mabilis ang proseso.

Show comments