MANILA, Philippines — Rerespetuhin daw ng kampo ni 2022 presumptive president Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ang Angat Buhay non-government organization (NGO) na itatayo ng karibal na si Bise Presidente Leni Robredo matapos ang eleksyon.
Inaatake kasi online ng ilang netizens ang naturang NGO habang nagpapakalat ng disinformation na "new government organization" ang ibig sabihin nito at "layong magtayo ng hiwalay na gobyerno."
Related Stories
"Okay naman 'yun. Karapatan naman ng lahat ng tao mag-organisa at gumawa ng kung anumang layunin nila. Basta't ang amin, 'yung ating mga kalayaan may kaakibat na responsibilidad," wika ng tagapagsalita ni Marcos na si Vic Rodriguez, Lunes, sa panayam ng TeleRadyo.
"For as long as you are exercising your rights within the bounds of the law, ang sa tingin ko ay rerespetuhin 'yan ng kahit na sinong demokratikong pamahalaan at pamumuno, kagaya ng incoming president Bongbong."
Biyernes lang nang ianunsyo ni VP Leni ang planong pagtatayo ng Angat Buhay NGO para ituloy ang kanyang anti-poverty programs na nasimulan habang nanunungkulan bilang ikalawang pangulo. Layunin nitong itayo ang "pinakamalawak na volunteer network" sa kasaysayan ng Pilipinas.
Sa naturang okasyon din sa Ateneo de Manila University sinabi ni Robredo na tanggap na niya ang kanyang pagkatalo.
'Basta walang lalabaging batas'
Sa kabila nito, tuloy-tuloy pa rin ang maling impormasyong ipinakakalat sa nasabing NGO — ang ilan dito, inihahalintulad ito sa rebeldeng New People's Army (NPA) dahil sa "layuning magtayo ng sariling gobyerno" — kahit hindi ganyan ang ibig sabihin ng NGO.
Matagal nang nire-redtag si Robredo pati na ang kanyang mga supporter, ang ilan sa kanila mga ligal na aktibistang hindi naman miyembro ng NPA (armadong hukbo ng Communist Party of the Philippines).
"Ang atin lang, do your right, exercise your rights under the Constitution and other prevailing laws, within the bounds of the law. Respect the Constitution, respect the laws and we will be okay," sabi pa ni Rodriguez kanina.
"Now, if you will be violating the law, if you will be violating or undermining the Constitution, may kaakibat na responsibilidad 'yun. Dapat handa ka ring kaharapin anuman 'yon."
Una nang sinabi nina House Speaker Lord Allan Velasco at Senate President Vicente Sotto III na posibleng sa ika-27 o ika-28 ng Mayo pa talaga opisyal na makakapagproklama ng bagong presidente at bise presidente ng Pilipinas.