MANILA, Philippines — Tinawagan ni US President Joe Biden si presidential frontrunner Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. — na nangunguna sa unofficial tally ng 2022 elections — para batiin siya sa posibleng pagkapanalo habang idinidiing dapat maprotektahan ang karapatang pantao.
Ayon sa kampo ni Bongbong, Huwebes, tumawag si Biden bandang 9 a.m. (oras sa Maynila) para i-congratulate siya sa "malaking agwat" mula sa karibal sa oposisyon na si Bise Presidente Leni Robredo.
Related Stories
"President Joseph R. Biden, Jr. spoke today with President-elect Ferdinand Marcos Jr. of the Philippines to congratulate him on his election," wika ng White House sa isang pahayag.
"President Biden underscored that he looks forward to working with the President-elect to continue strengthening the U.S.-Philippine Alliance, while expanding bilateral cooperation on a wide range of issues, including the fight against COVID-19, addressing the climate crisis, promoting broad-based economic growth, and respect for human rights."
Malagim ang human rights record ng diktador na ama ni Bongbong na si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., na siyang nagdeklara ng Martial Law noong 1972.
Sa tala ng Amnesty International, 70,000 ang ikinulong, 34,000 ang tinorture at 3,200 ang pinatay mula 1972 hanggang 1981. Maliban pa 'yan sa ill-gotten wealth na kinamal ng kanilang pamilya mula sa kaban ng bayan.
Mahaba ang kasaysayan ng pakikipag-alyansa ng Estados Unidos sa mahigit 20-taong administrasyon ng diktadurang Marcos ilang dekada na ang nakalilipas, ito kahit ipinipinta ng Amerika ang sarili bilang tagapagtanggol ng demokrasya.
Habang isinusulat ang balitang ito, aabot na sa 31.1 milyong boto ang pumapasok para kay BBM habang 14.82 milyon pa lang ito para sa pumapangalawang si VP Leni.
'Palalakasin kalakalan, relasyunan'
Napag-usapan din nina Bongbong ang pagpapalakas ng relasyon ng Maynila at Washington sa larangan ng trade, diplomasya, sariling pagpapasiya at pag-ahon ng ekonomiya.
"I have also invited President Biden to my inaugural on June 30, which could further fortify the relationship of the two countries," wika ni BBM sa isang statement kanina.
"[T]he Philippines has always held the United States in high regard as a friend, an ally, and a partner."
Bagama't tradisyunal na kaalyado ng Piplinas ang Amerika matapos ang pananakop ng mga Hapon noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, sinakop din bilang kolonya ng Washington ang Maynila nang halos 50 taon.